Facebook

LUPANG PINAKO

Kaliwa’t kanan ang naganap na trahedya sa Mindanao kung saan ang karaniwang tao ang pumapasan ng sakit. Hindi malaman bakit sa kasalukuyang panahon nararanasan ang delubyo na lubhang nagpapahirap sa buhay at kabuhayan ng mga maralitang Pinoy. Hindi magawa ang karaniwang galaw dahil ‘di batid kung kailan tatama ang unos ng kalikasan o ng sanlumikha. May pag-aalinlangan sa pagkilos ng karaniwan na nakasanayan dahil ‘di mawala ang pangamba na baka abutin ng ‘di biglaang pagyanig o tsunami na maaaring ikasawi. Ang pag-aalangan sa pagganap sa karaniwang gawain na kaakibat sa paghahanap buhay ang siyang umiiral na damdamin sa mga kaTimugan dahil halos maya’t maya ang malakas na paggalaw ng lupa na lubhang nakakatakot. At sa pag-alog ng lupa nariyan ang babala ng pagkakaroon ng matakbuhan na buhat ang mga gamit at maliliit na anak upang makahanap ng ligtas na matitigilan. Ano ang nagaganap sa lupang pinangako?

Sa nagaganap, masasabing pagsubok ito sa buhay kahit ito’y masasabing kalunos-lunos na patuloy na nagbibigay pangamba na kasalukuyang dinaranas ng mga kaMindanaon. Kaya’t ‘di maalis sa isip kung ito’y sadyang nais ng sanlumikha o dulot ng maraming pagkasira ng kapaligiran na gawa ng tao. Kung gawa ng sanlumikha ang masusing dalangin ang dapat gawin ng mga kaTimugan upang marinig ang pagsamo na itigil ang pagsubok dahil halos araw-araw ng kaganapan ito sa buhay. Sa dalanging gagawin, inaasahan ang pagkakaisa at mawawala ang pagkakawatak-watak ng lahi o paniniwala.

Ang kahalagahan ng bawat buhay ang siyang isa sa alang –alang dahil mahalaga ang bawat buhay. Walang sisinuhin, isasama sa dalangin ang kaligtasan ng nakararami higit ng mga taong madalas na tamaan ng pagyanig ng lupa maging ng tsunami. Isang malaking hakbang ang bawat nilalang na ilalayo sa delubyo at ang pagkakaisa ang tanikala ng kaligtasan ng kaTimugan. Itatanim sa puso na ang pagkakaisa ang susi sa kaligtasan ng lahat higit ng mga taga Mindanao.

Sa isang banda, kung ang kaganapang unos ay likha ng tao, walang batong ‘di iuurong upang iparating ang nagkakaisang tinig ng kaTimugan upang ipatigil ang mga nagaganap na paglapastangan sa kalikasan. May angking lakas ang bawat tinig ng kaTimugan upang tutulan ang walang humpay na sumisira sa kapaligiran at mismo sa Mindanao. Ang kasakiman sa salapi ang ugat ng pagkasira ng kapaligiran na dahilan ng nagaganap na mga pagyanig. Sa una, ang patuloy ang pagputol ng maraming puno sa lupang pinangako ang dahilan ng mga unos sa kaTimugan Nariyan ang pagbaba ng kalupaan mula bundok tungo sa kapatagan.

At sa paglisan ng maraming puno, hinuhukay ang kabundukan gamit ang makabagong mekanismo upang maghanap ng mga mineral na dadalhin sa ibang bayan. Sa ilang pagkakataon, may ilang tulad ni Mang Juan ang mamulat sa paninira ng kalikasan ngunit iilan lang ang mga ito. At sa kaganapan sa kasalukuyan, inaasahan na dadami ang boses ng karaniwang tao upang mapatigil ang nagaganap na maling pagmimina sa kaTimugan.

Sa minsang pagdalaw sa lugar na pinangako, nakita ang mapupulang pangpang ng karagatan na larawan ng patuloy na pagbaba ng lupa sa karagatan mula sa kabundukan. Nasilip ang mga naglipanang sankaterbang mga truck na suson-suson sa dami na kargang ang lupang isinalin sa barge o sasakyang pandagat na ‘di batid kung saan ang tungo. Maraming kababayan higit ang mga katutubo ang pikit mata na walang magawa dahil ang pagtutol ay kawalan ng buhay at kabuhayan. Dahil ‘di matutulan ang mapanirang kalakaran, ang sumakay sa kaibigan at maabutan ng maliit na halaga ng kaperahan ang sinayawan ng halos lahat ng mga tribo na sakop ng kabundukan .

Sa isang pagkakataon na maka-usap ang isang naninirahan na tumanggap ng salapi mula sa mga tauhan ng nagpapamina. Bumili ng refrigerator na ‘di magamit sa kawalan ng dumadaloy na kuryente sa lugar. Ang masakit ginawang aparador ang refrigerator dahil ‘di magamit dahil sa nasabing dahilan. Karagdagan, natutong magbisyo ang marami sa lugar na natunguan upang magamit ang perang isinuhol sa mga naninirahan na sumisira sa lugar at kaayusang umiiral.

Nakakabahala ang kaliwa’t kanang pagyanig ng lupa sa kaTimugan na nagbibigay alalahanin sa mga naninirahan. Hindi malaman ng mga kaTimugan kung ang kaganapa’y pagsubok ng sanlumikha. O’ sumpa dahil nakalimutan ang kahalagahan ng pag-aalaga ng kapaligiran. Ang pagpasok ng dayuhan na pansarili ang layon ang maling kilos nagbunga ng maraming trahedya sa lugar. Hindi nabasa sa una na ang pakay ng dayuhan na ibig gawing tingalan ng kayamanan ang lugar na kanilang kinalakihan. O’ sadyang ginigising ng mga pag-alog ang mamamayan ng kaTimugan upang tumayo ng tamang tindig upang matigil ang paglapastangan sa kinalakihang lugar. Ang sunod-sunod na pagyanig na nagpapawalang ulirat sa marami ang paraan upang gumising ang taga Mindanaoan para ‘di ipako ang lupang pangako.

Sa isang banda, nakakabahala ang isang kaganapan na likha ng tao na malakas pa sa lindol na umuga sa katahimikan ng kaTimugan. Ang pagsabog sa isang lugar na pusod ng paniniwalang Islam. Ang nakakapanlambot ang salarin ay nagmula sa grupo na may ugnayan sa terorismo sa labas ng bansa. Ang naganap na pagsabog sa lugar na pusod ng nakararaming kapatid na Muslim ay dagok sa kapayapaan na isinusulong ng grupong nagpapahalaga sa kapayapaan. Isang malaking sala ang pagpapasabog sa lugar dalanginan ng kapwa Pinoy na nasa kabilang paniniwala. Walang sinisisi sa paniniwala ngunit ang ilagay sa maling gawa higit sa kapwa na nasa kabilang banda ng pananampalataya’y ang dapat kondenahin ng lahat. Tunay na ‘di lang kapayapaan ang isinusulong ng grupo ng MILF sa lugar higit kaunlarang panlalawigan.

Naniniwala na ang gawang pagpapasabog ay ‘di laban ng pananampalataya, may ibang bagay ang nais ipaabot. May pagdududa sa mabilis na pag-ako sa pagpapasabog ng ISIS o baka tinatakot ang IC’s upang ‘di tumuloy sa bansa. Bakit ang malayong lugar ng Marawi ang pasasabugin gayung wala itong kinalaman sa usapin ng ICC? Ano ginamit na naman ang mga kapatid na Muslim na panakip sa kinatatakutang ICC dahil sa kawalan ng kilos ng kasalukuyang pangulo upang pigilan? Ang Marcos ba ang dapat sisihin o may nilulutong mas malalim sa pagsabog sa Marawi?

Panghuli, ang pagsubok na dinaranas ng kaTimugan higit ng mga taong walang malay ay sukli sa maling pasya sa nakaraan. Ngunit bakit sila ang magbabayad sa kamalian ng iilan. Sa naganap na pagpapabaya sa kapaligira’t kalikasan na pagwawalang bahala sa mahabang panahon ang singila’y sa kasalukuyan? Ang pagkakamali ng iba bakit sa tulad nila ipapapasan, tama ba ito? Hilo at lito ang kaTimugan bakit sila ang dapat ipako sa kasalanan ng mga nangako ng kaunlaran na pakinabang sa iilan. Dahil ba sila ang tao sa lupang ipinako este pinangako….

Maraming Salamat po!!!

The post LUPANG PINAKO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
LUPANG PINAKO LUPANG PINAKO Reviewed by misfitgympal on Disyembre 05, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.