PINURI ng dalawang progresibong organisasyon ang naging aksyon ng National Telecommunications Commission (NTC) at Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) laban sa Sonshine Media Network International (SMNI), ang broadcast network na iniuugnay sa kontrobersyal na televangelist na si Apollo Quiboloy.
Sa magkahiwalay na pahayag, sinabi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Gabriela Women’s Party-list na nararapat lamang na suspendihin ang SMNI na sistemako umanong nagpapakalat ng mga maling impormasyon at lumabag umano sa termino ng kanilang prangkisa.
Bilang tugon sa resolusyon na pinagtibay ng Kamara de Representantes, nagpalabas ng 30-araw na suspension order ang NTC laban sa SMNI dahil sa pagkabigo umano nitong sumunod sa mga batas at panuntunan.
Nauna rito ay pinatawan naman ng MTRCB ng 14 araw na suspensyon ang dalawang programa ng SMNI upang mapangalagaan ang interes ng publiko.
Ang “Laban Kasama ang Bayan” ay sinuspendi dahil sa pag-ere ng hindi totoong impormasyon na gumastos si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng P1.8 bilyon sa mga biyahe nito samantalang ang aktuwal na ginastos ay P4.3 milyon lamang.
Ang “Gikan sa Masa, Para sa Masa” ay sinuspendi naman dahil sa pagmumura at pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro na kritiko ng confidential fund ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Sa isang pahayag, sinabi ng Bayan na malinaw ang mga paglabag ng SMNI sa media standards and ethics at ang pagkabigo nito na sundin ang kanilang tungkulin at obligasyon na nakasaad sa batas na nagbigay sa kanila ng prangkisa.
Sinabi ng Bayan na sa halip na maging isang lehitimong media outlet, ang SMNI ay naging isang plataporma para sa pagpapakalat ng maling impormasyon at propaganda para sa religious at political agenda ni Quiboloy.
Sa ilalim umano ng administrasyong Duterte, sinabi ng Bayan na ang SMNI ay naging main channel para sa red tagging, terrorist labeling, disinformation, kasinungalingan laban sa mga kritiko ng gobyerno at aktibista, mga miyembro ng media, oposisyon at iba pang indibidwal na kritikal kay Duterte.
Ang SMNI, ayon sa Bayan “has become a purveyor of fascist ideology and a genuine threat to human rights.”
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na mistulang nagsanib-puwersa ang SMNI at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pagpapakalat ng fake news at maling impormasyon at ang target ay ang mga aktibista at progresibong organisasyon.
“The suspension of SMNI’s operations is a necessary step in holding them accountable for their actions and ensuring that they face consequences for their violations. It further underscores the need to address the spread of disinformation and threats through various media platforms,” ani Brosas.
Nanawagan din si Brosas ng masusing imbestigasyon kaugnay ng mga paglabag ng SMNI at hinimok ang NTC na gumawa ng angkop na hakbang kaugnay nito.
“The relentless red-tagging and dissemination of disinformation have serious consequences on the safety and security of the Filipino people, and those responsible must be held accountable,” sabi ni Brosas.
Hiniling din ng Bayan ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa mga maling ginagawa ng SMNI kasama na ang kuwestyunable umanong pagmamay-ari nito, financial statement, planong pakikipagkasundo sa state media ng China at sa mga potensyal na krimen na nagawa umano ni Quiboloy na nahaharap sa mga kasong kriminal sa Estados Unidos.
“Wary as we are of the propensity of tyrannical regimes to stifle press freedom and free expression, the reality is that the power to check and put a stop to SMNI’s violations of its franchise falls on Congress as well as MTRCB and NTC,” sabi ng Bayan.
“They should exercise this power properly to avoid whatever chilling effect these might have on legitimate media outlets,” dagdag pa ng grupo.
The post Suspensyon laban sa SMNI pinuri appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: