Unang utos ni Preidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kay newly appointed Finance Secretary Ralph Recto ay ano?: unahin ang pagkolekta ng taxes ngayong taon.
Kailangang kumayod, pati tutong ng salawal natin, makuhanan ng tax, kasi trilyong piso ang target na dapat makubra ni Sec. Recto.
Sabi niya sa pagharap sa media, mandato niya ay kumolekta para may pera ang gobyerno sa maraming gastusin.
“I think P4.3 trillion in taxes, P3 trillion with the Bureau of Internal Revenue (BIR), P1 trillion with the Bureau of Customs (BOC),” sabi ni Sec. Recto — na agad na pinuri ni dating Senate President Franklin Drilon na isa sa magandang appointment ni PBBM.
Binati rin ni Senate Minority Leader Koko Pimentel si Recto, sabi, “He deserves the position.”
Mabigat na trabaho ito, alam ni Recto, kasi kung sa bangkero, kahit bumagyo, lumakas ang daluyong ng alon, kailangan, palutangin niya ang bangka, ‘wag lumubog.
Sabi pa niya, ang trabaho niya ay tungkol sa “sustainability.”
Kung papitik-pitik lang siya noon sa Senado at ngayon sa Lipa City district bilang kongresista, ngayon, hindi na pwedeng magbabandying at magbonding sila ni Ate Vilma Santos-Recto.
Sabi niya, paggising niya sa umaga, kailangan makita niya ang report ng revenue collecting agencies na nakakubra ng pera.
“‘So every night, when I wake up in the morning, dapat ang nakolekta natin more or less P20 billion to fund all the needs of our people, the requirements of the government and to make sure that the money is spent wisely,” sabi ni Sec. Recto.
At eto ang masakit, kasi kahit makakolekta pa ng sobra sa target ang Customs, ang BIR at iba pang kumikitang opisina ng gobyerno, kulang at kulang pa rin.
Dahil ang nakaprogramang badyet ng bansa ngayong 2024, ay P5.768 trilyon, mas malaki sa P4.020 trilyon badyet noong 2023.
E, sa tantiya ni Recto, kailangang mangutang (na naman!) sa International Monetary Fund (IMF) at World Bank (WB) at sa iba pang foreign and domestic bank ng P2.7 trillion ngayong 2024.
Patay, makukuba tayo sa kabubuwis, lalo na at ayon sa balita na ikinagagalit ni Albay Rep. Edcel Lagman, nakapagsingit ang House of Romualdez ng P445.5 bilyon para sa “unprogrammed” na gastusin ng gobyerno ni PBBM.
Delikado ang badyet na ito sa programang hindi pa natin alam kung saan gagastusin, ano ito, galawang kupit ba, maitatanong natin.
Kasi po, pera ng Mang Juan at Aling Petra ang ibabadyet sa “unprogrammed” na proyekto, aba ano ito?
Si Nanay pag nagbigay ng P100 kay Bunso ay tinutuos kung magkano ang ibibili ng mantika, asin, pansahog sa sinigang.
At hahanapan ng sukli kung marunong tumawad si Bunso at hindi naubos ang P100.
Pero sa House ni Tambaloslos, walang resibo, walang tuos-tuos sa mga programmed projects kasi by certification lang ang ibibigay sa Commission on Audit (COA) na ginastos sa dapat gastusan ang bilyon-bilyong piso, okey na.
E paano ang “unprogrammed” na gastusin, mas madaling makupit, hala, anyare na sa ating gobyerno, lalo tayong makukuba sa kakayod ng tutong para may makolektang badyet na gusto ng House of Romualdez.
Ito ngayon ang malaking problema sa Customs at sa BIR na dalawa sa ahensiyang inuutusang kumolekta ng pera.
Pag di nakuha ang target, lagot si Customs Commissioner Bienvenido Rubio at si BIR Commissioner Romeo Lumagui — na balita ay protegee ni dating Finance Sec. Benjamin Diokno.
Latest, tumanggi si Diokno sa posisyong pangasiwaan ang Maharlika Investment Fund (MIF), hindi raw kasi siya expert sa investment, ganun?
Teka, kaya siya madalas na gawing Bangko Sentral governor at finance secretary, kasi magaling siya na magpaikot ng pera at kung saan-saan kukuha ng pera pag kinapos ang gobyerno.
Economic genius nga siya, kaya kahit magpalit-palit ang gobyerno, lagi siyang member ng gabinete, pero ngayon, hindi raw siya expert?
Pero uupo raw siya, sabi ni Diokno na board member ng Bangko Sentral, ano may tampo, kasi, inalis sa poder ni PBBM.
Bulong-bulongan sa Customs, kailangang magsipag si Commissioner Rubio sa pagkolekta ng customs tariff and duties at maghigpit laban sa mga ismagler at hagupitin ang mga korap sa ahensiya.
Kapuri-puri ang Customs sa magandang koleksiyon nila ng nakaraang 2023, kasi sa target na P874.166-bilyon, kumubra si Comm. Rubio ng P883.624-bilyon!
Ang galing, di ba, at ngayong si Sec. Recto ang kanyang bagong bossing, alam natin, mas magiging makisig si Comm. Rubio sa pagkolekta ng buwis, lalo na at malaking pondo ang inokeyang badyet ng gobyerno ngayong 2024.
Buo ang ating tiwala kay Comm. Rubio na ang bagong target collection na ibibigay sa kanya ni Sec. Recto, makukubra niya.
Balita natin, inutusan na niya ang lahat district collector na maging masipag at habulin ang mga tiwaling importer at exporter, mga palusot ng mga broker at maging mapagbantay sa mga ismagler.
Kung nagawa nga nila na malampasan ang 2023 target, makakaya rin ng BOC na makolekta ang dapat na kolektahin — at malalampasan pa, sigurado tayo riyan.
Teka, since iniwan na ni Sec. Recto ang Lipa City district, magkaroon kaya ng eleksiyon para may pumalit na kinatawan ng mga taga-Lipa.
Ngayong bakante ang Lipa District, kung magka-special election, bumalik kaya sa politika si Ate Vi?
Kasi sa interbyu sa kanya ng mga entertainment journalist, gusto na muna niyang magpahinga, pero ngayon Finance Secretary na si dating senador, dating congressman Ralph Recto, mahihigop uli siya na magbalik sa Kamara.
Mahirap daw ang politika, sabi ni Ate Vi, kaya nga pinili niyang maging nanay na lamang at baka nga raw siya ay mahirang na national artist, kaya pahinga muna siya.
E wala nang tatay ang Lipa City, e makatitiis ba siya na maging ulila ang lungsod na siya ay dating mayor, congresswoman at dating Batangas governor?
Babalik kaya uli si Ate Vi para maalalayan ng magagandang batas sa Kongreso ang poging mister niya na finance secretary na?
At sigurado naman tayo, makalulusot siya sa Commission on Appointments pag isinumite na ng Malakanyang ang credentials ni Recto.
Mula sa pitak na ito, congratulations and more power, Sec. Recto!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post CONGRATULATIONS FINANCE SEC. RALPH RECTO! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: