WALANG masama sa People’s Initiative (PI) kasi, ayon sa Konstitusyon, isa ito sa legal na paraan upang mabago ang Saligang Batas.
Pero iba, walanghiyaan na kung ang pagpapapirma sa taumbayan para maisulong ang PI na kapalit ay suhol na itinago sa pakunswelong ayuda, mali na ‘yan, panggugulang na yan, Tambaloslos.
Kalat sa social media ang reklamo na namimigay ng bigas, at P100 sa mga lugar ng iskwater at mga barangay, pero sa kondisyong pipirma ng “Yes” sa planong people’s initiative (PI) petition for Charter Change (Cha-Cha).
Ang nakaiinis, ginagamit ng tropa ni Tambaloslos ang kirot ng sikmura ng walang-wala para sa signature campaign sa Cha-Cha para kuno, baguhin ang economic provision ng 1987 Constitution.
Malinaw na walanghiyaan po talaga ang ginagawa ng mga alipores ni Tambaloslos, di po ba dear readers?
E ano ba itong tinatawag na People’s Initiative?
Itong PI, ayon sa batas, kapag nakakuha ng 12% sa total number of voters, pwede nang gawin ng Kongreso ang Cha-Cha at wala nang mga delegado pa, sila-sila na lang kongresista ang gagawa ng nais nilang amyendahan sa Konstitusyon.
Sa PI, dapat daw, ang bawat congressional district ay may makuhang “Yes” votes na 3% ng lahat ng nakarehistrong botante.
Susmaryosep, naman, kaya ba kahit hindi humihingi ng dagdag pondo ang Comelec, bilyones pesos ang ibinigay ng Kongreso.
Ayaw nating isipin na may galawang Tambaloslos sa pagbilang ng total number of votes pag binilang na ang mga nag-Yes sa PI ni Tambaloslos.
At eto pa, nagbitaw ng milyon-milyong piso sa bawat congressional district para kumilos kuno ang mga kinatawan ng taumbayan para masiguro na makukuha ang porsiyento ng botong magsusulong ng Cha-Cha sa House.
At ang mga trolls at mga private organizations, pinondohan na rin para kumilos na maisulong ang PI.
***
Ang sabi, kailangan ang PI para kung mabago ang batas, masasagot raw ang kahirapan at kawalan ng trabaho ng dugyot na pamilyang Pinoy.
Sarap pakinggan, magkakatrabaho na, aangat na ang buhay ng mamamayang Pinoy, at sino ang tatanggi sa ganitong pangako at pang-engganyo?
Pero delikado ang Senado, pag naging parlamento ang Kongreso, burado na sila.
Wala na ang Senado, at lahat ay premier na o delegado.
E papayag ba ang mga senador na mawala na sila ng honorific na tawag sa kanila na Honorable Senators?
Clamor daw ng business sector ang Cha-Cha, ano, e ang may gusto noon ay ang taong pag tumakbong presidente, walang panalo.
Sa parlamento, ang boboto sa prime minister ay mga delegado, hindi na ang taumbayan.
Wala nang papel si Mang Juan at si Aling Petra.
***
Sabi ni PBBM, wala na raw talaga kahit isang aktibong guerilla front ang NPA, ibig sabihin, kungdi pa talagang patay, nanghihingalo na.
Kung sa pasyente, nasa ICU, mahina na ang tibok ng puso, malapit nang maging flat ang line sa monitor at konting oras lang tigok na.
E, bakit isinusulong ng Tambaloslos ang peace talk e deadball na pala ang kakausaping NPA.
Asan ang sentido kumon ng mga kongresistang nais ng peace talk, nasa tumbong ba ang utak nila.
Dapat pagsuko nila ang maging tema ng usapan.
Lahatang pagsuko ng mga terrorista at ang ayaw sumuko, durugin na.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post MAPAPA-PI KA TALAGA BAYAN SA LINTIK NA ‘PI’ NA YAN NI TAMBALOSLOS! (Part 2) appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: