SINAKSIHAN ni Manila Mayor Isko Moreno noong Lunes, March 1, ang ceremonial COVID-19 vaccination para sa frontline workers Philippine General Hospital (PGH) kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan at health sector.
Si Moreno ay sinamahan ng kanyang Vice Mayor na si Honey Lacuna sa ginanap na ceremonial vaccination sa PGH.
Kabilang sa nasabing pagtitipon sina National Task Force (NTF) against COVID-19 chief implementor Secretary Carlito Galvez Jr.; Presidential Spokesperson Harry Roque Jr.; Department of Health (DOH) Undersecretary and Food and Drug Administration Director General Eric Domingo; Dr. Paz Corrales, assistant regional director of the National Capital Region (NCR) DOH-Centers for Health Development (CHD); and Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos.
“Dito magsisimula ang pinapangarap nating pagpunta sa isang panatag na pamumuhay sa mga darating na linggo, buwan, at buong taon ng 2021,” pahayag ni Moreno sa harap ng mga PGH frontline workers.
Idinagdag pa ng alkalde na: “I will respect your beliefs, your views, pero kung ako’y tatanungin niyo bilang ama niyo sa lungsod — huwag niyong ipagpabukas, huwag niyo ipagbakasakali ang kaligtasan niyo. Mahalaga na makamit niyo ang proteksyon sa lalong madaling panahon.”
Muling sinabi ng alkalde ang kanyang kagustuhan na magpabakuna sa mga darating na araw, ngunit iginiit na dapat ay mauna munang mabakunahan ang mga medical frontliners.
“We will get vaccinated para mahati ko kahit paano ang inyong pangamba. Samahan ko kayo sa inyong pangamba, sasama tayo sa pangamba niyo. Let us save lives,” sabi ni Moreno
“Personal po nating pinasalamatan si Dr. Edsel Salvana, ang Director ng Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng National Institutes of Health UP-PGH, sa kanyang kontribusyon sa pagpapataas ng kamalayan at tiwala ng mga tao sa bakuna laban sa #COVID19, ” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa ng alkalde na: “Importanteng nakikinig tayo sa mga ekperto katulad ni Dr. Salvana, na ikalawang medical frontliner na nagpabakuna ng Sinovac vaccine sa ating bansa ngayong umaga.”
“Tiwala lang. Kapit lang, mga Batang Maynila. Makakaraos din tayo!”pagtatapos ni Moreno. (ANDI GARCIA)
The post “Wag nyong ipagpabukas, ipagbakasakali ang kaligtasan nyo” — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: