PINAGLALAMAYAN na ang bangkay ng magkaibigan na nahukay mula sa gumuhong lupa na tumabon sa kanilang bahay sa Talop, Kinakin, Banaue, Ifugao, nitong Lunes.
Kinilala ang mga biktima na sina Emiliano Lupais, 40 anyos; at Ernesto Ceraos, 68, kapwa residente ng nasabing lugar.
Sinabi ni Police Major Michael Dangilan, hepe ng Banaue Municipal Police Station, na posibleng gumuho ang lupa dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan sa lugar na nagdulot ng paglambot ng lupa.
Ayon sa report, gawa sa light materials ang bahay kaya madali itong nasira na nagresulta para matabunan ng lupa ang natutulog na magkaibigan.
Natagpuan ng mga rumespondeng pulis at bumbero ang bangkay ng mga biktima sa isinagawang search and retrieval operation.
Batay sa impormasyon, taon 1995 nang gumuho ang tinaguriang killer mountain na ikinasawi ng higit kumulang 15 katao.
Samantala, dahil din sa naranasang malakas na pag-ulan sa Ifugao nitong nakaraang tatlong araw, naitala ang malaking pagguho ng lupa na sumira sa retaining wall malapit sa Kinakin Elementary School sa Kinakin, Banaue.
Nasama sa pagguho ang sasakyan ng principal ng Banaue National High School.
Naitala pa ang ilang insidente ng pagguho ng lupa sa Banaue, Ifugao pero wala namang nai-report na nasawi o nasaktan.
The post ‘Killer mountain’ ng Banaue: 2 bangkay nahukay appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: