NASA 54% na lamang ang occupancy rate sa mga district hospital at quarantine facilities na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Ito ay batay na rin sa pinakahuling datos na inanunsyo ni Manila Mayor Isko Morenl kaugnay ng Manila City COVID-19 update noong Huwebes, April 29.
Ayon kay Moreno, ang occupancy rate sa mga six city-run hospitals ay bumaba na sa 54%.
Nangangahulugan ito na mula sa 523 na COVID-19 beds ay nasa 280 ang okupado.
Nabatid na ang mga district hospital sa Maynila ay kinabibilangan ng Gat Andres Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Abad Santos Medical Center.
Samantala, nasa 37% naman ang occupancy rate sa quarantine facilities ng Maynila para sa COVID-19 positive cases.
Sinabi ni Moreno na mula sa 870 na bed capacity ay nasa 324 ang okupado.
“Sa ngayon ay maituturing na “okay” ang sitwasyon,” ayon sa alkalde.
Gayunman, nagpaalala muli ang alkalde sa mga mamamayan na kahit bumaba na ang occupancy rate sa mga naturang ospital at quarantine facilities, ay hindi pa rin maaaring maging kampante ang lahat dahil nananatili pa rin ang banta ng virus.
Sinabi pa nito na patuloy pa rin silang gagawa ng mga pamamaraan para mapalakas ang kanilang COVID-19 response gaya ng vaccination (basta may suplay ng bakuna), COVID-19 testing, at pagpaparami ng kapasidad ng mga pagamutan at pasilidad.
Sa datos ng Manila Health Department, nasa 57,113 na ang kabuuang COVID-19 cases sa Maynila. Kabilang dito ang 2,880 na aktibong kaso; 53,141 ang recoveries o gumaling na; at 1,092 na binawian ng buhay. (ANDI GARCIA)
The post Occupancy rate ng 6 city-run hospitals at quarantine facilities sa Maynila, bumaba na sa 54% appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: