Facebook

WALA PA RING TALO ANG FINALIST NANG TALISAY!

NAITALA ng MJAS Zenith-Talisay City ang makasaysayang double-round sweep sa dominanteng estilo matapos pataubin ang ARQ Builders Lapu-Lapu City, 99-62, kamakalawa sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup – Visayas Leg sa Alcantara Civic Center , Alcantara sa Cebu.
Naiposte ng Talisay City ang 10-0 marka sa double-round elimination sa six-team field ng kauna-unahang professional basketball league sa South at awtomatikong umusad sa best-of-three Finals.
Batay sa format sa sandaling magkaroon ng sweep, ang nalalabing limang koponan ay maghaharap sa stepladder quarterfinal format para sa nakatayang isang slots sa championship round.
Sa naturang format, ang No.2 squad matapos ang elimination ay awtomatikong uusad sa semifinals kung saan tangan nila ang twice-to-beat advantage, habang ang No.3 hanggang No.6 seed ay magtutuos sa knockout games kung saan ang malalabing koponan ang siyang lalaban sa No.2 squad.
“Malaking bagay sa amin na makuha namin yung sweep para makapahinga kami,” pahayag ni Aquastars head coach Aldrin Morante. “Siguro masasabi ko lang is all of this is because of the players. They deserve to rest.”
Pinangunahan ng beteranong si Patrick Cabahug ang Aquastars sa maigting na first period scoring run para maitarak ang 24-9 bentahe. Mula rito, hindi na nagawang makalapit ang Heroes na bumagsak sa 4-5 karta.
Tumapos si Cabahug na may 22 puntos, tampok ang limang triples, habang kumamada si Kevin Villafranca ng 12 puntos, limang board at dalawang assists. Nag-ambag si Darrell Menina ng 11 puntos, apat na boards, limang assists at dalawang steals, at tumipa si Allan Santos ng 10 puntos at siyam na rebounds.
Nanguna sa ARQ si Ferdinand Lusdoc na may 12 puntos, habang kumasa sina Jojo Tangkay at Chris Regero ng tig-10 puntos.
Isasara ng ARQ ang kampanya sa elimination laban sa Tubigon Bohol ganap na 7:00 ng gabi sa Biyernes.(Danny Simon)

The post WALA PA RING TALO ANG FINALIST NANG TALISAY! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
WALA PA RING TALO ANG FINALIST NANG TALISAY! WALA PA RING TALO ANG FINALIST NANG TALISAY! Reviewed by misfitgympal on Abril 30, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.