Facebook

MAY MAFIA NGA BA SA DPWH?

Follow up natin ngayong araw na ito ang kinakatakutang Mafia sa loob ng bakuran ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

May ilang dekada na pa lang kontrolado ng Mafia ang biddings sa pagkuha ng kontrata diyan sa DPWH.

Kahit sinong umupong Pangulo ng bansa, tuloy ang katarantaduhan ng sindikatong ito.

Sila yaong nagmamanipula at may kontrol kung sino at anong kumpanya ang mananalo sa bidding.

Pati mga opisyales ng DPWH ay walang magawa o di puwedeng kumontra sa kanilang bawat gustuhin at naisin.

Kapag di ka tumanggap ng suhol o tongpats, dalawang bagay lamang ang iyong puwedeng kahinatnan; ang masibak ka sa puwesto mo o ikaw na mismo ang magpalipat dahil sa araw-araw na banta sa iyong buhay.

May kilala nga akong district engineer na dahil sa takot nito sa Mafia, daang libong piso linggu-linggo ang hatag sa sindikato.

Armado ang grupong ito na responsable sa ilang pagpatay sa mga opisyal at tauhan ng DPWH sa malalayong probinsiya dahil sa ayaw makipagsabwatan sa sindikato.

Pati mga lehitimong contractors ay malaki ang takot sa nasabing Mafia na binubuo ng mga tiwaling opisyal din ng DPWH, pulitiko at military man.

Kadalasan, serye ng patayan ang nagiging resulta ng “double cross” na nangyayari sa mga biddings ng DPWH.

Wala nang gustong dumalong mga liason officers ng mga construction firms sa mga isinasagawang biddings lalo na sa malalayong lugar dahil talagang tinototoo ng sindikato ang banta sa buhay ng mga ito.

May ilang liason officers na ang dinukot, ginulpi at tinakot ng armadong grupo para ‘wag nang sumali sa mga biddings.

Yung iba naman na nakipagkutsabahan na ay kasali na rin sa raketa at operasyon ng Mafia.

Hindi natin masisi ang mga ito dahil wala talaga silang mapagsumbungan at mahingian ng tulong.

Sa kagustuhang makapaghanap-buhay, nauobligang kumapit sa patalim!

Sa mga online biddings naman na ginaganap, pinupuwersa ng sindikato ang mga miyembro ng Bids And Awards Committee (BAC) sa mga regional at district offices ng DPWH na paboran ang mga kumpanyang “alaga” ng Mafia at idiskuwalipika ang iba pang mga kasaling bidders.

Galante ang Mafia at idinaraan sa pera ang lahat ng kanilang iligal na operasyon ngunit kung hindi makikisama ang mga opisyal ng DPWH at mga legit contractors, dito na gagamitin ng grupo ang kanilang kamandag gamit ang pananakot, harassment pagkidnap at pagpatay.

Base sa ating impormante, malalaking tao sa pamahalaan at pawang may matitibay na koneksyon at kuwarta ang nasa likod ng Mafia na ito sa DPWH kung kaya’t napakahirap buwagin.

Tapos na ang termino ng isang Presidente ng Pilipinas ay hindi pa umuusad ang kaso ng mga miyembro ng Mafia kung may nai-file man na asunto sa husgado ang gobyerno.

Sa rehimeng Duterte sa ngayon kung saan ipinangako ng Pangulong Duterte na dudurugin nito ang korapsiyon sa pamahalaan partikular na sa DPWH, tila napaka-imposible nito.

Not unless, gamitin ni Tatay Digong ang ginawa nitong formula o approach sa giyera kontra droga.

Kamay na bakal o yaong binansagang Oplan Tokhang ng administrasyong Duterte ang gamitn kontra Mafia sa DPWH.

Hanggang walang nalalagas na buhay mula sa sindikatong ito, hindi titino ang DPWH.

Sagad sa buto ang kawalanghiyaan ng grupong ito na namihasa at nasanay nang dambungin ang pondo ng bawat proyekto sa tanggapan ni Secretary Mark Villar.

Even si Sec. Villar ay walang magawa sa katarantaduhan ng grupong ito lalo na sa mga lugar kung saan nakaugat ang mga miyembro ng sindikato

Dahil matagal na sa DPWH ang tinaguriang Mafia, pati ang pagtatalaga o promotions at appointments ng mga ilalagay na regional at district engineers ay kaya nilang impluwensiyahan.

Kaya rin ng Mafia na patungan ng gawa-gawang kaso sa Ombudsman ang sino mang opisyal ng DPWH na sagabal sa kanilang organisasyon.

May kasunod…

Abangan!

***

PARA SA INYONG KOMENTO,REAKSYON AT SUHESTIYON,MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP NO.0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com

The post MAY MAFIA NGA BA SA DPWH? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MAY MAFIA NGA BA SA DPWH? MAY MAFIA NGA BA SA DPWH? Reviewed by misfitgympal on Hulyo 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.