Facebook

BONG GO: LIGTAS NA ESTUDYANTE, GURO SA F2F CLASSES, TIYAKIN

Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na payagan na ang limitadong face-to-face classes para sa lima pang degree programs na nangangailangan ng practical experience.

Gayunman, ipinaalala ni Go sa mga awtoridad na tiyaking protektado ang kapakanan at kalusugan ng mga estudyante, educators at staff habang unti-unting sinisimulan ang educational activities sa gitna ng patuloy na COVID-19 pandemic.

“I welcome President Duterte’s decision of approving the conduct of limited face-to-face classes in additional higher education courses, such as engineering and technology, HRM, tourism, marine engineering, and marine transportation,” ani Go.

“Dahan-dahan na nating ibinabalik sa normal ang ating pamumuhay. Pero ginagawa natin ito sa ligtas na paraan habang patuloy ang ating pagbabakuna at pagpapatupad ng mga patakaran upang maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit,” idinagdag ng senador.

Sa kalatas ng Commission on Higher Education nitong September 28, inaprubahan na ng Pangulo ang in-person classes sa mga kursong Engineering and Technology, Hospitality/Hotel and Restaurant Management, Tourism/Travel Management, Marine Engineering, at Marine Transportation.

“Napaka-importante rin ng mga sektor na ito sa ating ekonomiya kaya dapat lang na tulungan natin silang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at hindi makompromiso ang kalidad ng mga kursong ito,” ani Go.

Sinabi ni Go na napakahalaga ng edukasyon dahil ito ang tanging puhunan natin sa mundong ito kaya hinihikayat niya ang mga estudyante na patuloy na mag-aral kahit may krisis na hinaharap ang bansa.

“Mahalaga ang edukasyon pero mas mahalaga ang buhay ng mga Pilipino. Patuloy po nating binabalanse ang lahat upang maiahon ang ating mga kababayan mula sa hirap na dulot ng pandemya,” sabi ni Go.

Kaugnay nito, pinasalamatan din ni Go ang Pangulo sa pag-apruba sa rekomendasyong buksan sa publiko ang vaccine rollout sa pagsasabing mas maraming Filipino na ang mabibigyan ng proteksyon at mas mabilis nang maaabot ang population protection tungo sa herd immunity.

Sa kasalukuyan, may 118 higher education institutions at 247 programs na nabigyan na ng awtoridad na magsagawa ng limitadong face-to-face classes.

The post BONG GO: LIGTAS NA ESTUDYANTE, GURO SA F2F CLASSES, TIYAKIN appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BONG GO: LIGTAS NA ESTUDYANTE, GURO SA F2F CLASSES, TIYAKIN BONG GO: LIGTAS NA ESTUDYANTE, GURO SA F2F CLASSES, TIYAKIN Reviewed by misfitgympal on Setyembre 29, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.