
SA pagnanais na umangat ang kabuhayan maraming bagay ang isinasaalang-alang upang ang nasa isip ay maging katotohanan. Sa hakbang na isasagawa patungo sa pangarap na inaasam ang pag-isipan kung ano ang kalalabasa’y mabuting tinitignan. Mabigat sa pagdedesisyon ang panahon lalo’t naniniwala sa tamang oras, araw at petsa ng matiyak na aakyat ang swerte sa pagpapasyang gagawin. Sa pagpapasya ni Inday Sapak na pumalaot sa usaping pambansa, walang duda na may basehan ang pag-urong sulong nito at pagtulak sa kapanalig na magbibigay ng positibong resulta sa hinaharap. Ngunit tila may nasagasaang nagbigay dalamhati sa hindi kaamistad na kaalyado ng matalik na tagasunod ng ama, at ito’y isang pangit na senyales.
Malaking usapin sa mundo ng pulitika ang pagbabagong isip kuno ni Inday Sapak sa pag-urong ng kandidatura sa pagka alkalde sa Lungsod ng Dabaw. Malaki ang epekto nito sa usapin ng pangkalahatang pulitika ng bansa sa panahon na bumitaw ang nominado ng PaDaPa sa pagkapangulo at tumuloy si Inday Sapak bilang kapalit at punong kandidato. At inaasahan ang pagpasok ng mga bagong kandidato sa iba’t ibang pwesto na huhubog sa tunay na regla ng takbuhan sa ’22.
Hindi pa man nagsasaad sa nais na takbuhan, nariyan na ang tulakan at sikuhan ng mga tagasunod at ng mga kontra na ito o iyan ang dapat takbuhan ng makasiguro ang kalamangan. Batid ngunit kailangang ipahiwatig ang pag-pili sa pwestong nais dahil kakabit na maaaring may magtampo sa maling pagpili. At sa maling pagpili, tunay na mahahati ang tagasunod na maglalagay sa kandidatura ng anak ti Batac at ng pambato ng Dabaw sa alanganin.
Sa pag-uusap o negosasyong naganap hinggil sa mga tulakan at sikuhan, malakas ang dating ng pag-uusap ng berdugo at ng kamao na tila nagkasundo na wakasan ang pagkakaalitan. Wala nang paglalahad sa napag-usapan, ang kilos ng katawa’y nangungusap na maaaring magbigay daan ang kamao sa pambato ni Totoy Kulambo. At ang pagtakbo sa mas mababang pwesto, pagbalik ng mga ginastos sa mga nakaraang pag-iikot.
Malamang nagkaigi ang mga ito sa katiting na bayarin na magseselyo sa malaking bilang ng boto na tatapyasin kung magpapatuloy ang kamao. Ang bawas na halaga sa sako-sakong salapi na tanga’y hindi ramdam lalo’t may parating mula sa Huan. Sa pag-urong na gagawin, tinitiyak na matitiyak ang boto ng Hilaga para sa anak ng halimaw este ng Dabaw.
Sa usapan ng magkaribal na magbibigay daan sa isang kapanalig na mag-isip na naitsapwera ang mainam na pagtuunan pansin. Ang pagtatampo na tinuring na kaalyado’y isang maling hakbang at balakid sa daraanan ng grupo ng Inferior Dabaw Group na ‘di dapat balewalain. Kung may sako-sakong salapi ang IDG hindi matatawaran na may truck-truck na salapi ang anak ti Batac na pwedeng ipangtapat. Sa napipintong pagbaklas sa usapan na naganap sa Sugbu, ito’y malaking kawalan kay Inday Sapak at naglalarawan na hindi maaasahan na sumunod sa napagkasunduan.
Na kung pagbabasihan ang mga survey na nagawa, tila nangunguna na ito sa takbuhan. Ang pag-lakad nito ng mag-isa’y hindi ito tuwirang masasabi na wala na ito sa radar na pwedeng manalo. Sa totoo lang, mas pipiliin na makasama ito sa laban sa halip na kalaban, bukod sa maraming salapi, marami itong tagasunod na magbibigay ng magandang bentahe sa kakampi. Hindi na magpapalit ng isip itong si Lupin, sa takbo ng pag-iikot nito, tila wala ng atrasan sa laban na maaaring pipigil o magpapatalo sa kandidatura ni Inday Sapak.
Malinaw na nasa dulo ng bangin ang IDG sa laban na tinatahak nito. Ang binubuhay na mga usapin at pag paDQ sa halalan kay Lupin ay tatak Dabaw na salat sa pag-aaral, puno ng butas at nagbibigay lakas loob na tuloy ang pagtakbo sino man ang kalaban. At maaring samantalahin ang pagluha ng malapit na tagasunod ni Totoy Kulambo upang pumanig sa hanay nito at maging kapareha. Tunay na magkakalaslasan ng leeg ang mga dating magkakaalyado at kasunod ang singawan ng baho, at kung sino ang may mababang sala ang maaaring tumayo kontra sa dating kaalyado. Ang usapin pang sarili ang mananaig at isantabi ang pagkakaibigan.
Sa dami ng kinakausap ng IDG, tila dumadaan ito sa balag ng alanganin na nagpapasaya kay Mang Juan na marahil ito ang tadhana o landasin ng pagguho ng dating matikas na punong bayan na sa tamang panaho’y makikita ang pagpasok nito sa karsel upang panagutan ang mga kasalanan. Nakabubulag ang labis na kapangyarihan na nagdudulot ng pagbagsak ng anumang lipunan. Hindi sapat ang panahon upang masabi na naging mabuti ito sa ginawang pagpapatakbo ng bayan. Ang kawalan ng malawak na network at balatkayong pakikipagkaibigan tila umaani ng hungkag na katapatan. Katapatan sa sarili ang una ‘di sa iba. Ang pagnanais na mapanatili ang sarili sa pwesto ang siyang dalamhating dadalhin sa kinabukasan dahil iniwan ng kaibigan.
Ang kaayusang nakita at natuunan ni Mang Juan ang nagmulat dito na kailangang palitan ang uri ng liderato na mayroon sa kasalukuyan. Liderato na sila lang ang dapat at hindi ang taong bayan. Sa natikmang kapangyarihan, hindi lang ito natakam ngunit nakitaan ng pagkagahaman. Hindi nais na bumaba sa pedestal lalo’t may naka-ambang asunto pagkatapos ng termino. Ang pagpapatakbo sa anak ang malinaw na takot na takot ito sa kinabukasan lalo sa multo ng biktima ng EJK na humahabol para sa katarungan.
Sa pagkakataong ito, malinaw na ang pagpapalita’y ang tunay na hakbang sa kinabukasan. Subalit sa kawalan ng malalim na pag-aaral at kaalaman, babagsak ang ambisyon sa kinabukasan. Ang paglakas ng kandidatura ng kalimbahin ang dahilan sa pagpihit ng manibela ang paniwala’y sila ang makakadiskarel ng takbo nito. Ngunit pumakabila ang pagkakataon na ang dating walang balak na lumaban ang siyang kinatatakutan na nagresulta sa pagkawala ng tiwala sa kaalyadong matagal ng naghanda.
Ang salang pagpapasya’y tunay na walang duda na mababaw ang bangko’ nito sa laban lalo’t sa kagipitan. Ang pagtingin na mauulit ang nakaraa’y drama na iniyakan na ng bayan. Walang duda, matatapos na sa Mayo ang pagdurusa ni Mang Juan sa pagtitimon ng kalimbahin sa pamahalaan. Tunay at walang duda na mararamdaman ang pagbabago na may pag-unlad.
Maraming Salamat po!!!
The post Walang duda appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: