Facebook

“ZERO VOTE” AT ‘PERSONA NON GRATA’ PARA SA MGA MAMBABATAS NA KONTRA NTF-ELCAC – LOCAL OFFICIALS

“Zero vote” at deklarasyong “persona non grata” ang kahihinatnan ng mga mambabatas na naghahayag ng pagtutol sa pagpapatuloy o kaya’y pagbawas sa pondo ng Barangay Development Program (BDP).

Ito ang inihayag kahapon ng ilang local government officials at mga kinatawan ng iba’t ibang people’s organizations sa lingguhang ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Dalawang gobernador sa Mindanao region, isang mayor sa Mountain Province at dating pinuno ng mga rebelde na sumuko na sa pamahalaan, ang nagsama-sama sa pagsasabing gagawaran nila ng “zero vote” at idideklara pang “persona non grata” ang mga mambabatas, senador man o congressman na nagtatangka itigil o bawasan ang pondo ng BDP sa ilalim ng pamamahala ng NTF-ELCAC.

Anila, kabilang rito sina Senador Joel Villanueva, Risa Hontiveros, Sherwin “Win” Gatchalian, Nancy Binay, Franklin Drilon, at Grace Poe.

“Nakikita namin ang BDP bilang aming gantipala. Sa mahabang panahon naming pakikipaglaban sa pamemeste ng komunistang-terorista sa aming mga komunidad at probinsiya mula pa noong 1986, na ngayon ay natapos na. Malaking bagay para sa amin ang BDP,” ang paliwanag ni Sadanga Municipal Mayor Gabino Ganggangan sa Mountain Province. Patungkol ito sa P20 milyong pondo ng BDP na ibinababa sa mga barangay na kanyang nasasakupan upang gastusin sa mga pangunahing pangangailangan ng lugar gaya ng mga farm-to-market road, upang makamit naman ang kaunlaran.

Dagdag pa ni Ganggangan, malaking di hamak ito sa tinatanggap ng kanyang munisipalidad mula sa Internal Revenue Allotment (IRA) na P18 milyon kada taon.

“P20 milyon pondo ng BDP para lamang sa isang barangay. Marami ang magagawang proyekto dito,” paliwanag pa ng Mt. Province mayor na nangako din na kung mapuputol ang pamimigay o mabawasan ang halaga ng BDP, pangungunahan niya ang pagsasagawa ng mga ‘ritwal’ ng Ifugao upang matalo ang mga mambabatas na gumawa nito sa darating na halalan.

Ayon naman kay National Security Adviser (NSA) at NTF-ELCAC Vice Chairman, Secretary (Retired AFP General) Hermogenes Esperon, si Ganggangan ay kilalang ‘anti-communist fighter’ sa Mt. Province na ipinagtanggol ang mga katutubo o Indigenous People (IPs) na sinamantala ng mga Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Si North Cotabato Governor Nancy Catamco naman ay nagsabi na 36 sa 57 barangay sa kanyang nasasakupan, at matatagpuan sa pinaka-malalayong lugar ay natukoy na ng NTF-ELCAC para makatanggap ng P20 milyon mula sa BDP.

“Labing-lima (15) sa mga barangay na ito ay nasaksihan na ang mga groundbreaking ceremony. Marami ang umaasa at nageexpect na matuloy ang development. Imagine, kung makakapag-reklamo lang ang kanilang mga kabayo, magreraklamo na ang mga ito dahil sa sama ng kalagayan ng mga kalsada,” ang pahayag ni Catamco.

“Have an open heart and mind. Pakinggan ninyo ang mga taong makikinabang sa malaking tulong ng NTF-ELCAC. Hindi ito para sa atin. Para ito sa taong bayan,” ang panawagan ng gobernadora sa mga mambabatas na nais ihinto o tapyasan ang BDP.

Para naman kay Governor Tyron Uy ng Davao de Oro, dapat ay tinatawag din sila ng mga senador sa mga pagdinig upang sila mismo ang magpapatotoo na malaki ang nagawang kaunlaran ng BDP sa kanilang probinsiya.

“Summon us, for us to explain kung ano ang ginagawa namin sa local task force. Majority of the projects are on-going,” ang sabi ni Uy.

Si Joy James Saguino alias Ka Amihan, dating secretary ng Guerilla Front 20 sa ilalim ng Sub-Regional Committee 1 ng NPA, ay nagsabing ang “collective voice” at “united stand” ng 857 people’s organizations, kabilang ang mga pinamumunuan ng gaya niyang mga dating rebelde ay nagkaisa upang maglabas ng iisabg pahayag, ang kundinahin ang mga pinaggagwang ng mga mambabatas sa BDP.

“Malungkot kami. Babalik tayo sa dati. Epektibo ang ginagawa ng NTF-ELCAC kung paano solusyunan sa grass root level ang pamemeste ng mga komunistang-terorista. Naging daan ito sa kaunlaran at paglalapat ng mga social services. Sinisiguro ng BDP ang pagpapatuloy ng kaunlaran, nang dahil lamang Executive Order 70 ng ating Pangulong Duterte. Ito ay tagumpay ng bawat Filipino,” paliwanag ni Ka Amihan.

Umaasa rin silang magbabago pa ng mga isipan ang mga senador dahil nakasalalay din ang kaunlaran ng mga rehiyon gaya ng Bicol, Samar, Caraga, Negros regions at ang buong Region 10 sa pondo ng BDP.

The post “ZERO VOTE” AT ‘PERSONA NON GRATA’ PARA SA MGA MAMBABATAS NA KONTRA NTF-ELCAC – LOCAL OFFICIALS appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“ZERO VOTE” AT ‘PERSONA NON GRATA’ PARA SA MGA MAMBABATAS NA KONTRA NTF-ELCAC – LOCAL OFFICIALS “ZERO VOTE” AT ‘PERSONA NON GRATA’ PARA SA MGA MAMBABATAS NA KONTRA NTF-ELCAC – LOCAL OFFICIALS Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.