WALUMPUT tatlong araw na ang nagdaan ng ihalal ng bayan ang mga lider na mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Subalit hindi maayos ang takbo ng kabuhayan ni Mang Juan at ng balana. Marami ang nagpapatuloy ng kawalan ng hanapbuhay na ginugupo ng mataas na presyo ng bilihin na nagreresulta sa dumaraming krimen sa bansa. Nagkamali si Mang Juan sa pagkakapili sa lider na maganda ang pangako hindi ang gawa. O ‘ sadyang mapaghanap ang Pinoy sa mga pangakong binitawan noong nakaraang halalan. At si Mang Juan panay ang tambay sa bigasan nag-aabang ng presyo sa P20.00 kada kilo.
Subalit, mauuna pang umaabot ang minimum sa pamasahe na P20.00 sa halip ang pangakong halaga ng bigas sa merkado. Na kinuha pa ng nanalong pangulo ang liderato ng Kagawaran ng Pagsasaka ngunit ‘di makayanan ibaba ang pangakong tila mapapako. Bakit kasi hindi si Ping, Isko, Leni o si Ka Leody ang pinili na ang kalidad ng takbuhin bayan ang una, hindi ang sarili. Hayun, tila nasisiyahan sa mga paglalakbay ng libre sa gastos ng taong bayan kasama ang isang damukal na alalay. At iniwan ang kapakanan ng bayan sa kamay ng ambisyosang gahaman na walang katalinuhan ngunit may intelligence fund sa mga tanggapan, binigyan diin mga tanggapan?
Sa kabilang dako, pansinin ang kagalingan ng mga manghahalal na pinili ang matipunong alkalde ng isang bayan na masasabing hindi kagalingan. Nariyan na pinili ang tumakbo sa ikalawang pwesto at kampanteng nanalo. Hindi nagkamali sa piniling pwesto na malayo kuno ang agwat sa mga katungali sa halalan sa bisa ng mabilis na bilangan na ginawa ng computer ng Smartmatic. At ng makaupo, biniyayaan ito ni Boy Pektus ng isang kagawaran na pinamumunuan. Isang kagawaran na sangkot sa kontrobersya sa mga laptop na kasing bilis ng dating kalihim. Nagkaroon ng imbestigasyon, dahil sa kasanga ang tatamaan, lumingon sa kabila ang mga imbestigador , ‘di kinakitaan ng kamalian ang dating kalihim. Sa halip, itinuon ang pag-uusisa sa mga mas mababa at umasa sa warranty clause ng kontrata.
Sa mga susunod na linggo o buwan, sa pagtupad sa inatang na tungkulin bilang kalihim, nagpapakita ito ng pagkahilig sa salaping bayan at humingi ng budget na kasingtaas ng langit na iba sa nais ng DBM na mas maliit sa nais nito. Nagpakita ang lakas ang kalihim at tuwirang humarap sa kongreso upang ipagtangol ang pondong nais para sa kagawaran. Hindi pa man tapos ang boksing at papasok pa sa mataas na kapulungan ng kongreso ang pagdinig sa pondo, tila may pakiwari itong bababa ang nais na budget ng kagawaran. At agad na nagpahayag na lulutasin ang usapin sa kagawaran sa loob ng anim na taon kung bibigyan ito ng P100B pondo na papasanin ng buwis ng taong bayan. Hindi pa pinag-uusapan ang kabilang opisina na bilyon pisong budget ang hiningi kahit ang hinihintay nito ang kawalan ng pangulo. Sa takbo ng mga pangyayari, nais sabihin sa madla, ito ang uri ng opisyal na iniluklok ninyo sa pwesto. Una ang sarili hindi ang bayan. Huwag pagsisihan ngunit o sana’y pulutan ng aral para sa kinabukasan.
Silipin ang mga nahalal na kinatawang bayan sa mataas na kapulungan ng kongreso. Ang mga kinatawang ito ang pinakamalapit ang paa sa puno ng Balite sa Malacanan kung tutuusin. Sa kasaysayan marami sa sangay na ito ng pamahalaan ang nahahalal bilang pangulo ng bayan dahil kinakikitaan ng galing, talino sa pagtatalastasan. Ang tanong totoo ba ito sa kasalukuyan?
Himayin ang kasapian ng Senado ng masagot ang tanong sa itaas. Sa huling halalan, marami sa mga nahalal ay dati ng kasapi ng kapulungan at marami ang galing sa pelikula at sa media. Ang No. 1 sa halalan, ang Bad Boy ng pelikulang Pilipino, sikat na actor na kilala bilang bida sa mga pelikulang aksyon. Ang media man na kilala na sumbungan eh maganda rin ang kapalaran. Nariyan ang mga re-electionist at mga nagbabalik Senado. Ito ang pupuno sa senado na kinakitaan ni Mang Juan ng kawalan ng lalim lalo sa usapin sa paggawa ng batas na kailangan ng bayan.
Sa hatian ng mga committee, pansin na pinairal ang kampihan blues at hindi ang kakayahan. Halimbawa ang committee na hahawak sa constitutional reform. Nakuha ito ng baguhang dating ex-con kahit batid na wala itong karanasan sa batas ito ang iniluklok bilang Tserman, tama ba? Sa totoo lang, inuusal nito na hirap itong intindihin ang talakayan sa plenaryo, dahil sa wikang English ang gamit. At panay ang pahayag na dapat gamitin ang wikang Pinoy sa mga deliberasyon. Paano na pamumunuan ang constitutional reform, na puro panyero ang pagsasalita na karaniwang English ang gamit na wika?
Pangalawa, sa isang pagdinig na naganap sa isang komite ang na WoW mali dahil sa kagalingan na inimbitahan ang hindi expert sa nakahain na usapin, hayun palpak ang resulta ng pagdinig sa pinag-uusapang isyu. Na lalong nagpasikat sa kagalang galang na kapulungan bilang kinatawan ng mga BOBO. Napakasakit Kuya Eddie.
Sa pagsusuri, nagkamali ang maraming Pilipino sa pagpili ng mga halal na kinatawan na tatao sa mga mahahalagang sangay ng pamahalaan. Sa tinakbo ng mga araw, mapapansin na nakakadismaya ang mga naganap sa gobyerno dahil sa hindi maigiya ng tama ang takbo ng pamahalaan. At ang santambak na opisyales eh sarili ang inuuna hindi ang bayan. Nawala ang kinang ng unang panahon na ang pagseserbisyo sa bayan ang marangal na magagawa ng isang indibidwal para sa bayan at sarili. Hindi ginagamit na hagdan ang posisyon upang magpayaman bagkus madalas na ito ang nag-aabono ng sariling pantustos sa mga lumalapit na kababayan. Naiintindihan ang usapin at ‘di kailangan ang de campanilla ng alipores upang ipaliwanag ang usapan na tinatalakay. May yabang ang dating dahil sa kagalingan, hindi tulad ng kasalukuyan na ang yabang ay galing sa pagiging sikat at No. 1 sa halalan.
Sa pagkakamali ng pinili sa nakaraang halalan, umaasa na pagninilay ang Pilipino sa susunod na halalan at ‘di kakapit sa mga pangakong hindi mapanghahawakan, na siyang dahilan kung bakit tila madilim ang hinaharap ng bayan nating mahal. Hindi pipili ng pinunong laging nasa piging, pinuong unang salapi na tila paghahanda sa kinabukasan. Hindi pipili ng mga kinatawan, na bukang bibig ni Atty. Gagon na Row 4, kuha mo Mang Juan. Itataas ang uri ng mga ihahalal ng bumalik ang sigla ng kabuhayan ng bayan at mamamayan. Ang lungkot ng kahirapan eh ang pagkakamali sa nakaraan. Hindi sinabing magsisi ngunit kailangang balikan ang nakaraan ng ‘di maulit ang kasalukuyang kawalan para sa kinabukasan ni Mang Juan at ng bayan….
Maraming Salamat po!!1
The post MGA URI NA NAHALAL NG TAONG BAYAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: