Facebook

SAKLA EMPIRE, KINA CAVITE PD, PCOL. CHISTOPHER OLAZO!

NAGMUMUKHANG “kenkoy” ang bagong kauupong PNP Provincial Director ng Cavite na si Police Colonel Christopher F. Olazo dahil sa mga kabulastugang pinaggagagawa ng isang police scalawag na kilala bilang alias Sergeant Maala sa mismong hometown ng nasabing Cavite top cop.

Mistulang kenkoy kung tagurian ang isang police top brass kapag nagiging tampulan ito ng mga negatibong puna, nababalewala ang kanyang kapangyarihan at nababastos ng elementong kriminal, ngunit wala naman itong tugon para masupil ang mga ilegalista, lalo pa’t sa kanyang hometown nag-ooperate.

Ganito ang paglalarawan sa atin ng maraming Caviteño sa kauupong Cavite PD Col. Olazo, mangyari kahit siya ang pinaka-mataas na pinuno ng kapulisan sa naturang probinsya ay nakapaglatag sa bayan ng Silang ng sangkaterbang saklaan ang police scalawag na si alias Sgt. Maala.

Sa munisipalidad ng Silang ipinanganak at ginugol ang kanyang kabataan ng kahihihirang na Cavite PD Col.Olazo na kilalang magiting, disciplinarian at highly decorated na police official.

Pagkat tiwala sa kanyang kakayahan ang PNP hierarchy ay nabigyan si Col. Olazo ng ibat-ibang sensitibong pwesto. Katunayan ay nahirang din siya na chief of police ng Tanauan City, Batangas, Bacoor at Alfonso, pawang sa lalawigan ng Cavite at naitalaga din bilang pinuno ng Quezon City Police Mobile District bago ito napisil na pamunuan ang Cavite Provincial Police Office.

Kaya sa body langguage pa lamang ng bagong PNP Region 4A Director PBG Jose Melencio Nartatez Jr. ay talagang mahihinuha na isa talagang maaasahang police official si Col. Olazo. At posibleng tuloy-tuloy na ang pag-angat nito sa pwesto kung walang anay na tulad ng isang alias Sgt. Maala na malaking balakid at tiyak na sisira sa pangalan ng nasabing police official.

Ngunit gasgas ang pangalan ngayon ni Col. Olazo at maging ang imahe ni RD Nartatez Jr. pati na ang isang police general na dati ring nanunungkulang PNP Region 4A director dahil sa mga iligal at labag sa batas na pinaggagawa nitong si alias Sgt. Maala.

Isinasangkalan ni alias Sgt. Maala ang pangalan nina Col. Olazo at ng naturang mga heneral kung kaya’t nakapaglatag ng mga saklaan sa Cavite at ang naging pilot project pa nga nito ay ang bayan ng Silang na hometown ni PD Olazo. Nagpapa-operate na si alias Sgt. Maala doon ng di kukulangan sa 50 mesa ng saklaan.

Kapag may mga PNP officer na tumatanggi na magpalatag si alias Sgt. Maala ng kanyang mga saklaan ay agad na “pumapalito” si heneral, para payagan na si alias Sgt. Maala na makapagpatakbo ng iligal na pasugal..

Literal na tawag lang sa telepono ng heneral ang katapat ng tigasing police chief sa Cavite PNP, Batangas at iba pang panig ng CALABARZON para makapag-operate si Sgt. Maala ng kahit anong uri pa ng kailigalan sa naturang rehiyon.

Kaya naman pagkagat ng dilim, saan man bumaling ay mesa ng saklaan ang naghambalang sa mga kalsada at mga tambayan sa halos 64 na barangay ng munipalidad ng Silang na kinaroroonan pa naman ng mga institusyong tulad ng Philippine National Police Academy (PNPA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)..

Sa naturang mga institusyon hinuhulma ang kaalaman at kasanayan ng mga future police official at operatiba ng PDEA, ngunit naroroon din lamang pala sa paligid ng nasabing government facility ang mga saklaan na naipakalat ni Sgt. Maala at ng alalay nitong si alias Louie S., kasabay halos ng pag-upo sa puwesto ni RD Nartatez Jr.

May ulat pa ngang nakapaglatag din ng tupadahan ang hinayupak na si alias Sgt. Maala sa likod lamang ng Philippine National Police Academy pagkat nagyayabang na kumpare niya ang isang heneral na naluklok noon na PNP Region 4A director. Talagang pesteng Yara este pesteng Yawa itong si alias Sgt. Maala?

Yabang pa ni alias Sgt. Maala ay dati niyang nakasama sa kanyang assignment at naging opisyal si Col. Olazo, kaya pala naman?

Nadiskubre pa ng ating mga KASIKRETA na bukod kay Louie S. ay may kakutsaba ring matikas na barangay kapitan ng Silang si Sgt. Maala na siyang nang-enganyo sa mga kapwa nito barangay chairman na magpasakla sa kani-kanilang hurisdiksyon.

Kaya natural lamang na tameme at dedma na lang si Silang Police Chief, LtCol. Romulo Co Dela Rea sa mga saklaan ni alias Sgt. Maala?

Naglalakad na rin pala si Sgt. Maala para palawakin ang operasyon ng kanyang saklaan sa buong lalawigan ng Cavite sa tulong ng isang aide ni Cavite Provincial Governor Junvic Remulla. Ang alalay ng gobernador ay kilala ding operator ng mga saklaan sa lalawigan ng Cavite.

Kung sa sariling bayan nga ni Col. Olazo ay nagawang makapamayagpag ang pasakla ni Sgt. Maala, tiyak na magagawa din niya ito sa alinman sa pitong siyudad at 16 na bayan sa lalawigan ng Cavite.

Kaya fearless forecast ng inyong lingkod, walang pag-asa na maging permanent provincial director ng Cavite si Col. Olazo kung ang isang Sgt. Maala lamang ay di pa kayang supilin at putulan ng sungay?

Samantala, may plano palang maglunsad ng protesta ang civic group sa Tanauan City para kondenahin ang di pag-aksyon ni Mayor Sonny Collantes at Police Chief LtCol. Karlos Lanuza laban sa drug/gambling operation ni alias OCAMPO at ng may 30 iba pang ilegalista sa naturang lungsod.

Akala pa naman ng inyong lingkod ay si LtCol. Lanuza na ang kasagutan para mapatino ang grupo ni OCAMPO at ng iba pang STL-con jueteng at STL-con drug operator sa nabanggit na siyudad? Ating subaybayan.

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.

 

The post SAKLA EMPIRE, KINA CAVITE PD, PCOL. CHISTOPHER OLAZO! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
SAKLA EMPIRE, KINA CAVITE PD, PCOL. CHISTOPHER OLAZO! SAKLA EMPIRE, KINA CAVITE PD, PCOL. CHISTOPHER OLAZO! Reviewed by misfitgympal on Setyembre 19, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.