Facebook

“NBI AGENT ERIK TUROK” BALIK-SAKLA KINA CAVITE PD OLAZO AT GOV. REMULLA!

HALOS ay magtatatlong buwan na mula nang ipinasara ni ex- Cavite PNP Provincial Director, P/Col. Arnold Abad ang mga pasugalan nI “Sakla King” alyas Erik Turok, kasunod ng pagsalakay ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Office sa mga sakla joint sa Daang Amaya 2 sa bayan ng Tanza, Cavite.

Hindi kukulangin sa 10 ang naarestong sugarol ng mga CIDG operatives at naipagharap ng kaukulang kaso sa Cavite Provincial Prosecutors Office.

Ngunit palibhasa’y nagpapakilalang isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI), ay di nakasuhan si alyas Erik Turok , pati na ang dakilang alalay at poste nito sa mga saklaan na si Hero.

Ayon sa ating source, nagreklamo ang sekta ng Iglesia ni Kristo (INK) pagkat ultimong kalapit lamang sa kanilang kapilya ay nagpalatag si alyas Erik Turok ng mga sakla tables kaya’t ang nakabubulahaw na ingay ng mga mananaya at empleyado nito ang nagbunsod para pumalag ang mga miyembro ng Kapatiran.

Ngunit ang higit na malaking dahilan ng raid ay ang balitang nagalit si Cavite Provincial Governor Junvic Remulla pagkat ginamit ang kanyang pangalan ni alyas Erik Turok at ng ilan nitong “kasosyong laway” na kilalang namang alalay ng gobernador.

At kasunod ng pag-upo sa pwesto ni Cavite OIC Provincial Director, P/Col. Christopher F. Olazo ay iniulat na lumarga na naman ang grupo nina alyas Erik Turok katuwang ang kanyang mga “kasosyong laway” sa pagpapasakla sa mga bayan ng Tanza at Indang.

Ibig kayang sabihin nito ay kinukunsinte ni Gov. Remulla ang ilan nitong tauhan, pati na sina alyas Erik Turok sa kanilang iligal na pagpapasugal sa Cavite, lalong-lalo na sa pagpapasakla sa mga munisipalidad ng Tanza at Indang?

Ayon pa sa ating mga KASIKRETA, nagkakaluwagan na sa operasyon ng sakla sa mga nabanggit na bayan simula nang maupo bilang Cavite PD si Col. Olazo idagdag pa ang pagpayag ng ilang lokal na opisyales para muling ituloy na ni alyas Erik Turok ang operasyon ng sangkaterba nitong saklaan.

Kaya nagkakandakumahog na muling pinabuksan na ni alyas Erik Turok ang napahintong nitong may 40 butas na saklaan sa halos lahat na mga barangay ng Tanza at Indang.

Ibig sabihin kaya ay may “go signal” na din sina PD Olazo, Tanza Mayor Yuri Pacumio at Indang Mayor Perfecto Fidel sa pasakla ni alyas Erik Turok?

Hindi tayo magtataka kung sa pakiwari ni dating Cavite PD Abad ay nademote ito sa kanyang pwesto dahil sa impluwensya ni alyas Erik Turok, nagawa nitong maipasibak sa pagiging PD ang masipag na kernel?

Gayunman ayon sa pamunuan ng PNP, career enhancement and for exigency of service ang layunin ng paglilipat ng pwesto kay Col. ASbad at pagtatalaga naman kay P/Col. Christopher F. Olazo bilang OIC PD ng Cavite.

Ngunit baka sapitin din ni Col. Olazo ang kapalaran ni Col. Abad sakaling gawin nito ang tama at ipasara ang pasakla ni alyas Erik Turok na lantaran na sng opersdyon maging sa mga barangay Poblacion 1, Daang Amaya 1, Daang Amaya II, Julugan VI at Julugan VIII. Ang mga nasabing lugar ang syang naunang nalatagan ng saklaan ni alyas Erik Turok sa looban ng may 41 barangay ng Tanza.

Katunayan pa nga sa tapat lamang ng Goldilocks Bake Shop sa Daang Amaya I at sa tapat ng Sea Oil Gasoline Station sa Daang Amaya 2 ay nakapaglagay din sila ng mga sakla tables na dinudumog maging ng mga menor de edad at drug adik na mananaya.

Sangkaterba din ang nailatag na saklaan nina alyas Erik Turok sa halos lahat na 36 na barangay ng Indang kaya nagpuputok naman ang butse ng maraming lokal na pulis lalo na yaong di nakasali sa payola.

In fairness naman sa mga kagawad ng Tanza Police Office na nasa ilalim ng pamumuno ni P/LtCol. Gerry Laylo at Indang Police Chief, P/Maj. Ernesto Caparas Jr.,higit na nakararami sa kanila ang hindi naman namamantikaan o tumatanggap ng lagay mula sa pasakla ni alyas Erik Turok.

Sina LtCol. Laylo , Maj. Caparas Jr., namamantikaan naman kaya sila ni alyas Erik Turok? Buti kaya ay itanong natin ang bagay na ito kina PD Olazo at RD4A, PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr.?

Bagama’t may alingasngas na ilan sa malalapit kay Gov. Remulla at Col. Olazo ay kaalam ni alyas Erik Turok, di naman tayo karakang kakagat sa ulat na kunsintidor sa gawaing iligal ang gobernador at ang Cavite OIC PD.

Malaki ang paniniwala ni Gov. Remulla at RD4A Nartatez Jr. sa kakayahan ni Col. Olazo na pamunuan ang Cavite PNP pagkat isa itong taal na Caviteño , nagmula sa bayan ng Silang, may angking talino at hasa sa karanasang PNP official.

Nang magsimulang manungkulan sa Cavite PD si Olazo ay dumalo pa si Gov. Remulla sa turn-over ng command para mainit na salubungin nito si Col. Olazo noong September 5, ng nakaraang buwan.

Ipinangako ni Gov. Remulla ang pagbibigay ng karagdagang 40 patrol car para magamit ng Kapulisan ng Cavite sa kanilang anti-criminality drive. Dagdag ito sa may 600 police cars na nauna nang ipinagkaloob ni Gov. Remulla sa Cavite PNP.

Naglaan na din ang gobernador ng Php 1 bilyong pondo para sa pagkakabit ng CCTV sa mga estratihikong lugar sa buong lalawigan at sa hahaliling taon (2023) ay magpapatayo si Gov. Remulla ng pabahay para sa mga pulis.

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; sikretangpinas@gmail.com.

 

The post “NBI AGENT ERIK TUROK” BALIK-SAKLA KINA CAVITE PD OLAZO AT GOV. REMULLA! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“NBI AGENT ERIK TUROK” BALIK-SAKLA KINA CAVITE PD OLAZO AT GOV. REMULLA! “NBI AGENT ERIK TUROK” BALIK-SAKLA KINA CAVITE PD OLAZO AT GOV. REMULLA! Reviewed by misfitgympal on Oktubre 12, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.