TAMA bang sabihin na ayaw ng Pinoy sa matinong namumuno? Payak ang sagot, balikan ang halalan at papasok sa sagot na “oo” dahil ang mga nagwagi sa mga nakaraang halala’y puro patapon at ‘di maganda ang nakaraan. Walang pagsisino ngunit batid ni Mang Juan na anak ng dating diktador ang nanalo na kasing bilis ng kidlat ang dami ng nakuhang boto kahit hindi pa nagsisimula ang bilangan sa mga silid aralan. Ang kapwa nanalo na katipan sa politika’y isang nanapak ng sheriff na ang tanging katangia’y anak ng hambog na dating pangulo. Habang ang mga naluklok sa mataas na kapulungan tila palitaw na lulubog o lilitaw. Sa ilang mga bagong butihing halal ng bayan ang gawa’y tumunganga’t magbilang ng butiki sa kisame ng silid at pansin ang pagsusuklay ng bigote habang nasa imbestigasyon at nagtatanong ang kapwa senador na kamag-anak ni Kojak. Ang nakakaaliw, ibig lumuhod ni Tobat’s na isang senador sa harap ng pulis na inuusisa ng magsabi ng totoo. Tama ba ang napili ng mga bobotanteng Pinoy.
Sa totoo lang, hindi lang sa halalan ayaw ng Pinoy sa matitino, may simpleng bagay na karaniwang nagaganap tulad ng pagbabalik ng bagay na napulot. Sa halip na papuri ang maririnig, pansariling ang naulinigan na kesyo maliit na bagay kaya ibinalik. O’ naghahabol ng pabuya na magagamit para pampataba ng bulsa at ‘di ng puso. At sa mga hindi nagbalik ng napulot, nariyan na binabangit ang pagiging praktikal ng galaw dahil wala naman na pagkakakilanlan ang bagay na napulot. At kalokohan ang pagbabalik at baka mapupunta lang sa taong pinag-abutan ng bagay. Ito’y ilang bagay na maririnig sa laylayan ng lipunan.
Sa tanggapan o opisina ‘di mawala ang mga sipsipan sa amo na binabanatan ang katrabaho ng iangat ang sarili. Kahit maganda ang ipinapakitang performance ng katrabaho na tingin nito’y balakid sa pagyabong, umasa na babalatan ito sa among mapaniwala. Ngunit sa pagdaka, lumalabas ang katotohanan na ang tamang gawa ang magdadala sa sino man sa karangalan at ‘di ang paninira. Marahil sa pansamantala’y nakakamit ang nais at ‘di sa lahat ng pagkakataon, higit kung singilan na sa ambag na bahagi ng kagalingan sa tanggapan ng kinakatawan.
Nakakababa ng moral ang galaw ng mga taong hindi binabalikan ang karanasan na nagbigay daan sa pagbagsak ng lipunang ginagalawan. Sa kasalukuyan, walang puwang ang magandang gawa sa ngalan ng kaperahan na nagpapagalaw sa maraming Pinoy. Ang mga paglalakbay na ginawa ni Boy Pektus upang ilako ang kagalingan ng bansa higit ang pagpasok ng bagong pamahalaan, tila walang kumakagat na negosyante upang mag pasok puhunan sa bansa. Hindi masabi kung kulang ang paglalako o sadyang hindi bilib ang mga negosyante kay Boy Pektus dahil sa nakaraan nito. At dako ng mga alipores na kasa-kasama sa mga opisyal-pasyal ganun ‘din ang dating walang naipasarang negosyo o negosyante para maglagay ng puhunan sa bansa. Ano ba yan walang ROI sa mga opisyal-pasyal?
Pero Mang Juan, nagtrabaho na ang mga halal ng bayan mula sa dalawang kapulungan ng kongreso at walang pag aagam-agam na naipasa ang panukalang batas sa pagbuo ng Maharlika Investment Fund. Sa panahon na ‘di malaman ng pamahalaan kung saan kukuha ng pondo para sa ‘di malamang proyekto, heto may nakaambang pasanin ang bayan sa batas na ipinasa ng mga inihalal ng bayan. Sa huling araw ng sesyon ng mga mambabatas, doon ipinasa ang batas ng MIF na papasanin ni Mang Juan upang magkaroon ng paghuhugutan pondo ang mga mandarambong sa pamahalaan. Halintulad ba sa mga naganap na pagdinig, lumuhod ang isang senador, may nagsuklay ng bigote, may papogi at may nagmumura sa mga tinuran ng sponsor ng batas at ang bilis ng pagpasa sa panukalang batas ng MIF? Labing siyam na senador ang pumabor sa batas at tila ‘di naganap ang mga nabangit sa unahan. Lagda na lang ni Boy Pektus ang hinihintay upang maging ganap ang Maharlika Investment Fund Law at may paghuhugutan na ng salapi.
Ang kagandahan sa MIF, silip na ‘di matagumpay ang opisyal-pasyal ni Boy Pektus & com. sa ginawang paglalako ng bansa bilang investment hub. Heto’t una pang naghanda ang pamahalaan ng pondo para sa investment na ‘di malaman kung saan ilalagay. Dahil walang mamumuhunan ang pumasok sa bansa, si Mang Juan ang inipit upang mamuhunan na kahit isang kahig at alang tuka ang mama sige na lang dahil ito ang nakitang tama ng mga nahalal ng bayan. Ang tanong kailan naging tama ang mali?
Sa mga opisyal-pasyal na ‘di nakahakot ng investor na inaasam, bakit ipapasa kay Mang Juan ang bigat ng dalahin. O’ dahil nagkamali ito sa pagpili o sadyang ayaw nito sa mga matitinong tao na sana’y nasa pamahalaan. Sa totoo lang, alang uri ang pagkaibig sa mga ‘di matitino sa lipunan. Dahil marami na nasa ibabaw na uri ang sumuporta sa lideratong nahalal dahil sa interes na dala nito. Madaling makausap ang mga kasalukuyang halal ng bayan sa ngalan ng mabilis na pagbawi sa mga gastusin sa nakaraan. Ang mga buktot na nahalal muli’y tunay na mababawi higit sa mga gastusin sa mga paglilitis na kinaharap. Ang ‘di nagalaw na pag-aari sa nakaraay’ panahon nang mapakinabangan sa ngalan ng pagkakahalal.
Hindi manipulado ni Mang Juan ang kamangmangan higit sa pagpili ng mga opisyal na halal ng bayan, nariyan ang kamay ng maraming nasa tuktok ng tatsulok na ibig ang kasalukuyang kabuuan ng mga opisyal na namamayagpag sa kapulungan ng Kongreso maging sa puno ng Balite ng Malacanan. Ang pagkamal ng yaman ng bayan layon ng mayayamang uri ng patuloy na lumayo ang pagitan sa mga nasa babang uri. Ang batas na ginagawa ng mga tauhan sa silid ng Batasan ang nagseselyo sa paglayo at ‘di makalapit ang masa sa lugar na kinalalagyan. Ang hayaan si Mang Juan na pasanin ang bigat ng bayan ang kaligayahan ng iilang nasa tuktok ng tatsulok. At ‘di lang ang nasa laylayan ang ayaw sa matinong liderato, maging ang nasa tuktok ng tatsulok ay kaisa sa kayamanang Rason.
Maraming Salamat po!!!
The post AYAW SA MATINO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: