Nagsimula na muli ang mga survey firm na maglabas ng mga resulta hingil sa mga pagtatanong sa ibig o nais na maging pangulo sa susunod na panahon. Hindi batid kung saan, paano, at sino ang tinatanong na mga respondente sa kung sino ang ibig maging susunod na pangulo ng bansa. Kahit papasok pa lang sa ikalawang taong ang kauupong si Boy Pektus heto’t hinuhubog na ng SWS ang kaisipan ng madla sa ngalan ng kung sinong nagbayad sa survey upang lumabas na ito ang napupusuan ng nakararaming bobotante. O’ baka may intelligence fund na ginagamit upang malaman ang regla ng pagkakilala sa mga kasalukuyang lider ng bansa. Walang pagsisino ngunit batid ni Mang Juan kung sinu-sino ang nanghingi at nabiyayaan ng intel fund sa kongreso noong nakaraang talakayan sa budget.
Kahit sa kasalukuyang pa lang, nariyan na ang paghuhubog sa kaisipan ng mga Pinoy higit sa mga nasa laylayan sa kung sino ang ibig humalili sa panahon na kailangan ng bumaba sa pwesto si Boy Pektus sa panguluhan. Kahit hindi pa nakapagpapakita ng gilas, puro opisyal-pasyal, ngawa ang gawa ng kasalukuyang pangulo heto’t ibig ng mabilog ang ulo ng mga Pinoy na ang halalan ang mahalagang panahon sa bansa. Madali lang lilipas ang tag-araw at tag-ulan ngunit sa usapin ng ibig maghalal, sakop nito ang dalawang panahon na unang binangit. Hindi hahayaan ang nakapagpahinga ang nasa laylayan kung halalan ang pag-uusapan. Hindi pa nagsisimula ang usaping pambarangay nariyan na ang SWS at ibinabandera ang butangerang naglalaway sa upuan ng puno ng Balite sa Malacanan. O’ nag-aalala si Totoy Kulambo at baka gawing regalo ni Boy Pektus sa ICC at malagot ang grupo ng Inferior Dabaw Group. Mabuti ang maagap sa masipag.
Sa survey na inilabas ng SWS, makikita ang layo ng agwat ng nangungunang ibig daw ng bayan na si Inday Sapak na may 28% na pipiliin bilang pangulo. Habang ang pinakamalapit na maging katungali’y ang taga-ayos ng broken family na si Raffy Tulfo na may 11%, habang nasa 6% ang walang paki na si Leni. Sa paglalabas ng survey, kahit ang ‘di aktibo sa politika’y isinabit upang lagyan ng kredibilidad kuno ang pagtatanong dahil baka mahalatang moro-moro ang ginawang survey. Pasasarapin lang ang laban ng may mapag-uusapan lalo’t kasama ang dating talunan sa panguluhan. Sa kasalukuyang kaayusan ng halalan sa bansa, ang paglililo kay Mang Juan at sa balana’y isang formula na magbibigay anghang upang maging kapani- paniwala ang halalan. Isa lamang ang survey sa nagpapasarap sa menu ng halalan na batid ang tamis at anghang ng kalalabasan.
Ang paglalabas ng survey at ang pagkagat ng media sa balita’y tunay na kagalakan ng nagpapakilos sa mga survey firm. Dahil mapag-usapan ang nangunguna kuno at patunay na maganda ang mga nagagawa sa inuupuang kagawaran. Na sa totoo lang, wala itong magandang naiambag sa kagawarang pinamumunuan. Upang magkaroon ng halaga sa inuupuang Kagawaran nagnais na ibalik ang CAT / ROTC sa ngalan ng disiplina sa mga kabataan. At maging handa kuno ang bansa sakaling sakupin ng ibang lahi. Subalit sa totoo pa rin, ang nais nito’y mahubog ang isip at ugali ng mga kabataan na sumunod sa ibig ng mga namumuno ng walang tanong o pagtutol. Mahalaga na sundin ang salitang bibitawan ng namumuno na tila aral sa lider ng mga bansang diktadura ang uri ng pamamahala. Subalit hindi kagat ng maraming pribadong paaralan sa bansa higit ang mga Catholic School dahil sa dagdag gastos at takot na magbalik ang kaisipang kasundaluhan. At sa totoo lang, hindi makita ang disiplina sa mga unipormadong kagawad ng pamahalaan higit kung ang pagtalima sa kautusan. Una ang interes bago ang bayan lalo sa usapin ng pension ng kasundaluhan at kapulisan.
Sa pag-aaral, payak ang layon sa paglalabas ng survey na bitbit ang interes ng kung sino ang nagbayad. At walang aamin sa kung sino ang nagpasurvey maging sa nagsurvey dahil dala ang pagiging confidential ng transaksyon. Ang mahalaga’y bigyan ng kredibilidad ang pangunguna sa mga tinatanong kahit iilan lang ito sa milyon-milyong bobotante. At nariyan kuno ang siyentipikong paraan ng paggawa ng tanong at survey na lumitaw sa ibig na resulta. Ang maganda sa survey may panimula na ito kuno na kailangang alagaan ng tumagal ang pag-ibig ng tao sa laylayan sa nangunguna. At sa pumapangalawa, pwede ng magamit ito para madagdagan ang laman ng lukbutan. Lalo’t batid na ang kalaba’y may kakayanang durugin ang kredibilidad sa halalan.
Maaga ang pagsusukat ng mga nagbabalak sa halalan sa ’28, pilipit pa ang panahon na pag-uusapan ngunit heto na ang naramdaman sa mga papasok na mga Kapitan kung sino ang dapat dalhin sa labanan ng mga ulo ng mga kalokohan sa bansa. Isang malaking pagkakamali sa mananalong Kapitan kung liliko at pipili ng iba sa pagsapit ng halalang pang panguluhan. Kita na ang tale, maging sa tarrot card ang pinapaboran ng tao sa laylayan ‘di pa usapin ang SMARTMATIC, na tunay na matinik. Ang masakit sa puntong ito tila ‘di natuto ang mga survey firm sa nakaraan at patuloy na tinatangkilik ang mga politiko na sa aga ng halalang pampanguluhan ay nagpapalabas ng pondo upang bilugin ang ulo ni Mang Juan. Ang inilabas na survey karga ang ngalan ng mga ibig kuno ng tao’y isang paghuhugis para sa darating na panahon.
Sa kasalukuyan tila ‘di malasa ang inilabas na survey dahil sa katatapos at darating na halalan. Sa makapal na mukha na kung sinong Pilato’y tunay na trapo na walang ibig kundi ang ibenta ang sarili sa taong bayan gayung wala itong magandang ambag sa kagawarang pinamumunuan. Ang paghingi ng intelligence fund, at ang pagbabalik ng CAT / ROTC magandang senyales na ito’y ‘di makatao higit ito’y maka sarili. At kung magtutuloy- tuloy ang galaw patungo sa panguluhan, masasabing ‘di na natuto ang Pilipino. Ngunit nananalig na mananaig ang kagalingang Pambansa sa puso ng masa.
Maraming Salamat po!!!
The post DI NA NATUTO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: