Facebook

TANONG SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND

Tunay ang kasabihan na kung ano ang puno siyang bunga. Magkapara ang kilos ng sino mang mag-ama o mag ina kung ang pagnanais ang pag-uusapan. Malayo man sa itsura ng mukha o kara, maging sa talino ngunit hindi maitatatwa na ang batang tumitimon sa pamahalaan sa kasalukuyan ay anak ng dating diktador na pangulo. Kapit mga kababayan at nasasarapan ang batang anak ‘ti Batac sa tangang pwesto’t nagsisimula nang paikutin ang mga legalidad sa pagkuha sa ibig sa anumang paraan.

Ang paggamit sa kapangyarihan ng pwestong tangan at himukin ang dalawang kapulungan ng kongreso na gumawa ng batas ng may paghugutan ng salapi sa ‘di batid ang paggagamitan ang unang hakbang sa pagkuha sa katapatan ng mga mambabatas. Hindi malinaw kung para saan ang batas na nagbuo sa Maharlika Investment Fund na singbilis ng kidlat ang pagkakabuo. Sa totoo lang, may taunang paghahanda ng budget o appropriation na pwedeng doon pag-usapan ang batas ng MIF. Bakit minamadali at para saan at kanino ang MIF? At may umugong ng isang pagtatangka sa liderato ng Batasan. Hayun pinulot sa kangkungan ang aleng mababa ngunit malaki ang ulo. Sorry you’re the weakest link, babu.

Sa dating panahon, naging magkakasundo ang mga ama ng mga dating magkakampi ngunit pinaghiwalay ng kani-kanilang interes sa politika. Ang mga magkakasama’y nagsaksakan sa likod at nanalo ang Ilokano kontra sa Kapampangan. At tila na naulit ang kasaysayang ito, kamakailan. Ang siste, tumatag sa pwesto ang sampit ni Boy Pektus na tagapagsalita sa kamara na nagpasa ng batas ng MIF. Nagpatuloy ang drama at nagbitiw kuno si Inday Sapak bilang kasapi ng Partido ni small girl with big head. Syempre naroon ang plastikan na nililinis ang pangalan ng kalihim ng edukasyon. Habang sa kabilang banda, panay ang papuri ang binabangit sa mga opisyal na nagsulong at nagpasa ng MIF at ‘di napalitan ang tagapagsalita sa malawak na kapulungan. At pansamantalang pumayapa ang kaayusan sa Batasan.

Pumayapa ang kongreso ngunit asiwa ang nararamdaman ni Mang Juan sa pinasang MIF Law na sa lalong madaling panaho’y lalagdaan ni Boy Pektus. Hindi kampante si Mang Juan sa kung saan kukunin ang kaperahan na ilalagak sa MIF gayung bangkarote ang lukbutan ng bayan. Sa panukala walang linaw kung ilan GOCCs / GFIs ang pagkukunan ng pondo para sa MIF. Ngunit libre ang mga ito na maglagak ng pondo sa utos ng kanilang Board of Directors na batid na kung sino ang nagtalaga. Walang tuwirang atas ngunit malinaw na may utang na loob ang mga BODs, alam ni Mang Juan kung kanino. At ito ang panghahawakan na makatitiyak na magiging basa ang lukbutan ng MIF at ng mga opisyal ng pamahalaan.

Sa pagtataya ng hepe ng Pambansang Lukbutan, hindi bababa sa P9T ang papasok na salapi sa MIF na ‘manggagaling sa iba’t -ibang mga imbestor mula sa pribadong tao / kumpanya at maging sa mga GOCCs / GFIs. Nakakalula ang halaga na sisiw ang pondo sa pandemya na ‘di malaman kung nasaan napunta na patuloy na hinahanap ni Mang Juan. Sa takbo ng magaganap, kahit kalbuhin si Mang Juan at bilangin ang buhok nito, hindi magagawang tapusin na bilangin ang P9T na nasa peligro higit ‘di batid kung sino ang hahawak sa pondo. Bihasa ang nasa pamahalaan na magpawala ng anumang bagay na hawak higit ang kaperahan. At mukhang ‘di malinaw ang pananagutan ng mga tatao sa MIF. Nakikinita na ang paglaho ng pag-aari ng MIF ay kasimbilis ni David Copperfield, tanda niyo pa.

Sa pagtataya pa rin ng hepe ng Pambansang Lukbutan, inaasahan na mapopondohan ang 194 proyekto sa bansa na magpapakilala kuno sa bilang bagong investment country ng mundo. Inaasahan ang pagdagsa ng mga dayuhan at lokal na mamumuhunan sa ganda ng magiging balik ng kaperahan ilalagak sa mga proyektong itatayo. Walang batong hindi gagalawin upang masigurong matagumpay ang MIF funded project. Nakakasiguro kuno na hindi magkakaroon ng usapin o problema dahil ang mga ilalagay na mga fund manager sa MIF ay pawang may kredibilidad at kilala sa industriya. Paniwalain mo ang lelong mong naka simangot.

Sa totoo lang, wala pa man ang batas na may lagda ni Boy Pektus, nararamdaman na ‘di tama ang maglagay ng pondo ang GOCCs / GFIs sa dahilang iba ang mandato ng mga ito. Ang paglalagay sa pondong nakalaan sa mga kaperahan ng mga pensioner sa delikadong pamumuhunan ang naglalagay sa peligro sa mismong buhay ng mga ito. Sa pagkakataon na ‘di matanggap ang buwanang pension, umasa na dadami ang magkakasakit na nagiging pasanin ng mga pagamutan sa bansa. Pangalawa, sakaling bumagsak ang MIF, pasanin ito ng mga anak at apo ni Mang Juan na siyang nagtataguyod sa bayan sa kanilang panahon, kawawa naman.

Tanong pa more, sa mga binabangit ng hepe ng Pambansang Lukbutan na mga proyekto, bakit kailangan pa ng pamumuhunan gayung may appropriation ang DPWH at ibang sangay ng pamahalaan, para saan at bakit kailangan ng karagdagang pondo. Hindi ba sapat ang Build Operate and Transfer scheme na nariyan? Bakit hindi pagandahin ang BOT ng ‘di maglabas ng pondo ang pamahalaan. O’ dito itatago ang mga pondong kailangan para sa susunod na mga halalan. Tila walang balak bumaba sa pwesto ang nakaupo sa poder ng pamahalaan. Gagawin ang pagtatago ng mga kaperahan sa ngalan ng proyekto ng MIF. Hindi pa usapin ang biglang paglaho ng kaperahan ng MIF. Ang saya – saya.

Sa totoo lang, hindi hinihiling na pumalpak ang MIF higit ang maging matagumpay ito dahil si Mang Juan at ang balana ang magdadala ng bigat kung ito’y babagsak. Ngunit ‘di makitaan ng matinong paglalatag ang pamahalaan sa kung paano ito tauhan higit mababa ang kalidad ng mga tao ni Boy Pektus na pansin sa mga opisyal pasyal. Dagdag dito ang walang pumasok na mga negosyo sa bansa sa‘di mabilang na Opisyal-pasyal. Ang paglalahad ng buo at ng buong katapatan hingil sa takbuhin ng MIF ang inaasahan sa naglilinis ng ngalan. Tanong, nakakasiguro ba ang bayan na ‘di ito maging pasanin sa hinaharap. At may handa bang itaya ang karangalan para sa MIF.

Maraming Salamat po!!!

The post TANONG SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
TANONG SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND TANONG SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND Reviewed by misfitgympal on Hunyo 06, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.