
PAGDATING sa usapin ng basura at lahat ng uri ng sagabal sa kalsada sa lungsod ng Maynila ay paiiralin ang ‘zero tolerance policy.’
Ito ang binigyang diin ni Mayor Isko Moreno , kasabay ng apela nya sa lahat mga residente at mga barangay na patuloy na suportahan ang kampanya ng pamahalaang lokal na mapanatiling malinis at walang anumang sagabal sa kapaligiran sa lahat ng oras.
Sinabi ni Moreno na ang mga tauhan ng Department of Public Services (DPS) sa pamumuno ni Kenneth Amurao ay nagsasagawa ng walang tigil na clearing and cleaning operations at ang pakikipagtulungan ng mga residente at barangay ay napakahalaga.
Ang mga kagawad ng DPS sa ilalim ng pamumuno ni Amurao ayon kay Moreno ay hindi lamang nakatutok sa pangunahing daanan at kalye kundi maging sa maliliit ding daanan, eskinita bukod pa sa kanilang tungkulin na ginagampanan tuwing may kalamidad tulad ng nakaraang bagyo na nanalasa sa bansa.
Ayon sa alkalde, ang lahat ng kalye, malaki man o maliit ay laging dapat na malinis at maluwag para sa mga pedestrian at motorista.
Iginiit ni Moreno na dapat na mas maging malinis sa kapaligiran lalo na sa panahon ng pandemya.
Nanawagan din ang alkalde sa lahat ng opisyal ng barangay na makipagtulungan sa DPS sa paglilinis at tukuyin ang mga problema sa kanilang lugar na hindi na kayang tugunan tulad ng pag-aalis ng malalaking obstructions.
Hanggat maaari ay nais ni Moreno na maging malinis ang lahat ng kasulok-sulukan ng lungsod.
Nitong linggo lang ay nagsagawa ng clearing operations sa Recto, Divisoria, Carmen Planas, Zaragosa, Padre Rada, Taft Avenue, maging sa Legarda hanggang Avenida, kung saan ang mga kalat at iba pang bagay na sagabal dala ng nakaraang bagyo at maging ang mga iligal na barikada ay tinanggal.
Pinuri din ni Moreno ang DPS Estero Rangers sa patuloy na paglilinis ng mga estero at ilan pang maliliit na daluyan ng tubig Maynila. (ANDI GARCIA)
The post ‘ZERO TOLERANCE POLICY SA BASURA AT OBSTRUCTION’ – ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: