Facebook

Liderato ng Kamara tahimik sa ‘silent war’ sa pagitan ng mga kaalyado ni Velasco

Tila may ‘silent war’ sa loob ng House of Representatives sa pagitan mismo ng mga kaalyado ni House Speaker Lord Allan Velasco matapos maiulat na nagkaroon ng pikunan sa pagitan ng ilang mambabatas na kinuwestiyon ang pagkakatalaga kay Davao Rep. Paolo Duterte bilang Chairman ng House Committee on Accounts, isa sa makapangyarihang posisyon sa Kamara.
Tahimik ang House Leadership sa isyu subali’t isang viber message ni Duterte ang kumalat na nagsasabing didistansya na ito sa House Majority resulta ng pagkuwestiyon sa kanyang loyalty.
Nag-ugat ang ‘silent war’ nang kuwestiyunin umano ni AAMBIS-OWA Partylist Rep Sharon Garin na kilalang supporter ni Velasco ang posisyong ibinigay kay Duterte.
Sa lumabas na report ay nagkaroon ng gathering ang mga Velasco supporters sa Rizal Park Hotel noong Nobyembre 10 matapos ang naging oathtaking ni Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte, sa gitna ng dinner ay nagbiro umano si Garin kay Duterte na “hindi ka naman bumoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng pwesto”.
Hindi nagustuhan ni Duterte ang biro hanggang sa nagkaroon ng komosyon at humantong sa awatan, si Maguindanao Rep. Toto Mangudadatu ang sinasabing isa sa umawat kina Garin at Duterte.
Matapos ang insidente ay isang viber message ang ipinadala ni Duterte sa Viber group ng mga kongresista pasado 2:00 ng madaling araw noong Nobyembre 11, nakasaad sa mensahe ang paghingi nito ng paumahin sa nangyari.
“Maraming Salamat po sa opportunity, trabaho lang po walang personalan. Sorry to say but I have to distance myself na po pati sa ruling majority ng HOR, pinahiya at na-question na po loyalty ko. Sa bunganga po ni Cong. Mangudadatu at Congw. Sharon Garin mababalitaan nyo po yan mamaya agad. So pinili ko na po to properly habang may mukha pa akong maharap sa inyo wait and see na lang po Monday,” nakasaad sa mensahe ni Duterte.
Dagdag pa nito sa nasabing viber message na aminado siyang nagkaroon ng gulo subalit humingi na siya ng tawad kay House Speaker Velasco.
Matatandaan na si Duterte ay hindi bumoto kay Velasco nang magkaroon ng speakership row dahil na rin sa katwiran nitong parehas niyang malapit na kaibigan sina Velasco at dating House Speaker Alan Peter Cayetano, gayunpaman ay nabigyan ito ng pwesto habang umaalma ang mga bumoto kay Velasco gaya ni Garin na walang nakuhang posisyon.
Nang maupo bilang Speaker ay ilang kakamping mambabatas ang pinangakuan ni Velasco ng pwesto, isa na dito si Garin na target ang Chairmanship ng House Ways and Means Committee na inookophan ni Albay Rep. Joey Salceda.
Ayon sa ilang insider, para mapagbigyan si Garin ay ililipat bilang Deputy Speaker si Salceda ngunit hindi naman ito pumapayag.
Kamakalawa, nagkaroon ng rigodon sa Kamara na inupo ang tatlong bagong Deputy Speakers na sina Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, Buhay Party-list Rep. Lito Atienza at Las Piñas Rep. Camille Villar para maging kapalit nina Deputy Speakers Capiz Rep. Fredenil Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez at Batangas Rep. Raneo Abu.
Subali’t ilan oras matapos maitalaga bilang Deputy Speaker ay nagsumite ng kanyang formal letter si Villar kay Velasco na nagsasabing inaayawan nito ang alok na posisyon, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang sagot si Velasco sa naging pagtalikod sa kanya ni Villar.
Ilang insider sa loob ng Kamara ang nagsabi na ang pagturn-down ni Villar sa nasabing posisyon ay pagpapatunay lamang na magulo at walang pagkakaisa mismo sa mga kaalyado ni Velasco.

The post Liderato ng Kamara tahimik sa ‘silent war’ sa pagitan ng mga kaalyado ni Velasco appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Liderato ng Kamara tahimik sa ‘silent war’ sa pagitan ng mga kaalyado ni Velasco Liderato ng Kamara tahimik sa ‘silent war’ sa pagitan ng mga kaalyado ni Velasco Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 19, 2020 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.