NAGPATUPAD na ang Manila City government noong Lunes, Marso 15 ng 30% working capacity sa kanilang mga tanggapan. Ito ay ang pagbabawas ng mga empleyadong papasok sa kani-kanilang opisina, bilang bahagi nang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na matuldukan ang patuloy na pagdami nang naitatalang bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lungsod.
Alinsunod na rin ito sa kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno na dapat ay 30% lamang ng mga empleyado ng lahat ng city government departments, bureaus at offices ang payagang pisikal na pumasok sa kanilang trabaho.
Nauna rito, nagpatawag si Moreno ng emergency meeting, kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna at mga key officials ng city government upang talakayin ang COVID-19 situation sa lungsod.
Pagkatapos ng pulong ay kaagad nang inianunsiyo ni Moreno ang pagpapairal ng 30% working capacity sa city hall.
“Babalik tayo sa pagbabawas ng mga tao sa city hall para precautionary measure,” anang alkalde. “Babalik tayo and I believe in you na kahit konti lang tayo, makakapag function tayo efficiently.”
Nabatid na hindi naman sakop ng kautusan ang mga tanggapan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Department of Public Services, Department of Public Service, Manila Traffic and Parking Bureau, Manila Health Department, Manila Department of Social Welfare, at lahat ng district hospitals.
Kaugnay nito, inatasan rin ni Moreno si Manila Police District (MPD) Chief P/BGen Leo Francisco na lahat ng leave ng kanyang mga tauhan, maliban kung medical leaves, ay ideklarang kanselado.
Itinalaga rin niya ang MPD SWAT team bilang tagapagbantay kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
Inatasan rin ni Moreno si Bureau of Permits Director Levi Facundo na inspeksiyunin ang implementasyon ng health protocols sa mga negosyo at maghanda ng kinakailangang komunikasyon.
Nagpalabas rin siya ng kautusan sa Department of Engineering and Public Works (DEPW) upang masigurong lahat ng quarantine facilities ay pawang “up and running.”
Tiniyak rin ng alkalde na personal siyang magsasagawa ng random inspection sa lahat ng mga barangay sa lungsod, kasabay ng babala na hindi siya magdadalawang-isip na sibakin ang mga opisyal na mapapatunayang nagpapabaya sa kaniyang tungkulin.
Lahat naman ng mga sasakyan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office ay gagamitin sa pagpapairal ng health protocols.
Magpapatupad na rin umano sila ng ‘one entry, one exit policy’ sa lahat ng pamilihang bayan upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“Any circumstance must be address efficiently and mabilis pero at the same time ingat lang,” sabi pa ng alkalde. (ANDI GARCIA)
The post 30% WORK FORCE SA MLA CITY HALL, IPINATUPAD NI ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: