SINIMULAN na ng Las Piñas City Government ang kanilang vaccination program na may temang “Ligtas na Las Piñero, Lahat Bakunado” para sa mga residente sa lungsod nitong Martes, March 9, 2021.
Pinangunahan nina Las Piñas City Vice-Mayor April Aguilar at Dr. Ma. Paz Corrales, Assistant Regional Director ng Department of Health-National Capital Region (DOH-NCR) ang simbolikong seremonya ng pagbabakuna para sa 300 medical frontliners sa loob ng vaccination site sa University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) Gymnasium, na pagmamay-ari ni Chairman at Brigadier General, Dr. Antonio Laperal Tamayo.
Kabilang sa tatlong unang nabakunahan ng Sinovac vaccine mula sa Republic of China, ang mga medical frontliners na sina Dr. Jose Edzel Tamayo, Medical Affairs Executive Officer ng UPHSD; Elvie Carandang, Finance and Accounting Manager; at Neil Jaymalin, Chief of Staff ng unibersidad.
Bandang 9:45 ng umaga nang unang turukan ng Sinovac vaccine ni Public Health Nurse 1 Angela May Villanueva si Dr. Tamayo habang masusing nakamasid sina Vice-Mayor Aguilar at Dr. Corrales bilang hudyat naman nang pagsisimula ng malawakang pagbabakuna sa naturang lungsod.
Tinawag pa ni Dr. Corrales na “COVID-19 influenzer” ng lungsod ang tatlong unang medical frontliners na nakatanggap ng bakuna ng Sinovac, na instrumento aniya ng pang-iimpluwensiya o paghihikayat sa mga taga-Las Piñas na agad magpabakuna dahil ginto aniya ang bakuna para sa mga may ginintuang puso.
Target ng Lokal na Pamahalaan na nasa ilalim ni Las Piñas City Mayor Imelda “Mel” T. Aguilar, na mabakunahan ang lahat ng mga Las Pineros matapos masiguro ang nasa 500,000 doses na vaccine makaraang maglaan ito ng P250-milyong pisong pondo para sa pagbili ng karagdagang bakuna kontra COVID-19 sa lungsod.
Pinasalamatan ng bise-alkalde ang national agencies sa walang sawang pagsuporta at patuloy na paggabay sa Lokal na Pamahalaan upang maghatid ng serbisyong kinakailangan ng mga Las Pineros upang labanan ang kinakaharap na krisis sa pandemya.
Bukod rito, pinasalamatan din ni VM Aguilar ang pamilya Tamayo at ng buong pamunuan ng UPHSD sa pagpapagamit ng kanilang pasilidad upang gawing vaccination site para sa medical front-liners sa lungsod.
Nasa kabuuang 1,210 doses ng bakuna ng Sinovac ang ipinagkaloob ng national government para sa pagsisimula ng vaccination program ng Lokal na Pamahalaan para sa mga medical front-liners sa lungsod. (Jojo Sadiwa)
The post Vaccination program sa Las Pìñas City, sinimulan na appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: