HUWAG magtaka kung magmukhang bale wala ang Filipinas sa pananaw ng Estados Unidos sa usapin ng pangkalahatang seguridad ng Asya. Hindi kasama ang Filipinas sa mga kaalyadong bansa sa paghahanda ng seguridad ng mga demokratikong bansa sa Asya.
Hindi namin alam kung sinadyang iniwan ang Filipinas dahil pinili nito na makipag-alyansa sa China. O kaya, tuluyan ng binitiwan ng Estados Unidos ang Filipinas dahil mahirap kausap ang tila bangag na si Rodrigo Duterte. Basta wala sa planong seguridad.
Wala ang Filipinas sa 24-pahina na interim report national strategic security alliance na inihanda ng administrasyon ni Joe Biden. Hindi alintana ang makasaysayang alyansa ng Estados Unidos at Filipinas sa larangan ng pagtatanggol ng dalawang bansa. Hindi binanggit kahit minsan.
Kinilala ng ulat ang tunggalian ng Estados Unidos sa China at Rusya, ngunit hindi binanggit ang Filipinas upang makamit ang mga mithi sa banggaan. Hindi maalis ang pangamba na may plano ang Estados Unidos na malalim ngunit hindi isinasaad. Batid ng marami na may kakayahan ang Estados Unidos na diretsong manghimasok kapag ginusto.
Binanggit ng ulat ang alyansa ng Estados Unidos sa Australia, Japan, South Korea, India, New Zealand at mga bansang kasapi sa ASEAN tulad ng Singapore at Vietnam. Wala ni gaputok na salita sa mga tratado sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos.
Iniulat ang bumabayong hangin ng awtoryanismo na nais talunin at palitan ang demokrasya sa Asya. Kasama ang Filipinas na binabagabag ng awtoryanismo. Nais kontrahin ng Estados Unidos ang paghina ng demokrasya sa Asya at paglakas ng China.
Hindi malaman kung may pag-uusap sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos at kung ano ang mangyayari sa ibang tratado tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA). Mistulang sanggano si Duterte na nanghihingi ng malaking halaga upang ituloy ang VFA. Gusto niya ng $16 bilyon mula sa Estados Unidos. Hindi siya pinansin.
Mas maliit ang isusuka ng Estados Unidos kapag gumalaw ang mga galamay at pinondohan ang isang kilusan upang pataobin ang kanyang gobyerno. Nahaharap sa halalan si Duterte at matatapos ang termino niya sa 2022. Mas maliit ang gastos ng Estados Unidos kung tutulungan ang kalaban. Hindi bata ng Amerika si Duterte. Isinusuka siya.
Huwag magtaka kung isang umaga na sangkatutak na sundalong Amerikano at makabagong armas pandigma ang humimpil sa Mindanao lalo na sa Davao City. Ngayon, nakapalibot ang mga barko ng iba’t ibang puwersa ng demokrasya sa Mindanao. Hindi makakagalaw si Duterte. Hindi siya matutulungan ng mga Intsik.
Hindi makakalanding ang mga puwersang Intsik upang saklolohan si Duterte. Hindi sila magkakagawa ng kudeta upang maghari si Duterte sa pagtatapos ng termino niya sa 2022. Matibay ang demokrasya sa Filipinas kahit ano pa ang gawin ni Duterte.
*
MALINAW na naghahanda si Sonny Trillanes na sumabak sa halalang pampanguluhan sa 2022. Bantulot si Bise Presidente Leni Robredo. Hindi siya ang lalaban bagaman siya ang inaasahan. Mukhang mas nanaisin niya na sumabak bilang gobernadora ng Camrines Sur. Inaasahan na papaliguan niya ang dinastiya ng mga Villafuerte doon.
“Oo, lalaban ako,” ani Trillanes, “kung hindi tatakbo si Leni at kung tatanggapin ako ng mga puwersang kontra Duterte.” Malinis na batayan ng kanyang pagsabak sa 2022. Alam niya na pinakamalakas si Leni dahil siya ang hinihiling ng puwersang oposisyon.
Dahil kasapi si Trillanes ng Samahang Magdalo, kailangan niya ang suporta ng puwersang demokratiko – Liberal Party, Akbayan Party, Aksyon Demokratiko, at iba pang maliit lapian at grupo na kabilang sa puwersang oposisyon.
Hindi kokontrahin ni Trillanes kung gusto ni Leni na tumakbo. Susuportahan ni Trillanes si Leni kapag naghangad. Hindi siya ang Grace Poe na humarang kay Mar Roxas noong 2016. Ngunit kapag hindi naghangad, hindi puede na walang kandidato ang oposisyon. Hindi matatalo sa default (o hindi pagsipot sa laban) ang oposisyon, ani Trillanes.
Malinaw ang mga baraha. Walang hudasan. Walang taksil na bigla na lamang papalaot ng walang sabi-sabi.
***
LUMALABAS na set-up ang pagpaslang sa mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Drug Agency (PDEA). Hindi misencounter ang nangyaring barilan noong ika-24 ng Febrero sa pagitan ng mga operatiba ng PDEA at ahente ng Central Police sa Commonwealth Ave.
Matalim na ipinahiwatig ni Duterte na set up ang nangyari nang ibunyag niya noong Lunes ng gabi sa telebisyon na sangkot ang ilang operatiba ng PDEA sa extortion. Binanggit niya ang pangalan ng mga kasangkot. May sinabi na masakit na salita kontra sa mga taga- PDEA.
Mukhang palilipasin na lang ang barilan. Mukhang walang mangyayari sa pagsisiyasat. Nakuha na ni Duterte ang nais niya. Hanggang diyan na lamang at maraming salamat.
*
HINDI pa ganap na nakakalimutan ng mga tao ang patayan sa Commonwealth nang paslangin noong Linggo ang siyam at hulihin ang anim na aktibista ng pinagsanib na mga sundalo at pulis sa Rizal, Batangas, Cavite, at Laguna. Bumuhos ang galit ng sambayanan sa social media dahil kahit makakaliwa ang mga pinatay na lider magsasaka at unyonista, hindi sila ang kalahok sa armadong labanan.
Kinondena sa buong mundo ang pagpaslang dahil hindi pinaniniwalaan ang dahilan ng mga pulis at sundalo. Hindi “nanlaban” ang mga pinatay at hinuli. Natutulog sila sa kanilang tahanan ng dakpin at paratangan ng kung ano-ano. Kinilala ang mga hukom na nag-isyu ng warrant sa ikadadakip ng mga pinaslang at hinuli.
Hindi nakakalimutan ang operasyon kontra aktibista sa apat na lalawigan ng Calabarzon nang tambangan noong Lunes ng gabi at patayin ang alkalde ng Calbayog City na si Ronald Aquino at tatlong bodyguard. Local politics ang pinaniniwalaang dahilan ng pagtatambang.
Ngunit itinatanggi ang teyoryang local politics sapagkat pangatlong termino na ni Aquino at “graduate” na siya sa 2022. Mas pinaniniwalaan ang galit sa kanya ng isang pulis heneral na bumisita kamakailan sa Calbayog City. Hindi inasikaso ang pulis heneral dahil hindi sumunod umano sa mga patakaran sa kuwarantina. Hindi inilagay sa magandang hotel ang bumibisitang heneral. Napunta siya sa isang pipitsuging hotel.
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post Basta wala appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: