Facebook

CHR, NTF-ELCAC NAGKAISA LABAN SA NPA

NAGPAHAYAG na rin ng pagkukundina ang Commission on Human Rights (CHR) laban sa patuloy na paggamit ng New People’s Army ng mga Anti-Personnel Mines (APM) na lantarang paglabag sa International Humanitarian Laws (IHL), ang kahulihan ay sa Jipapad, Eastern Samar kung saan isang sundalo at dalawang Cafgus ang mga nasawi.

Nakiisa na rin ang ahensiya sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa layunin nitong wakasan na ang 52 taon ng panggugulo ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army (CPP-NPA) at ang walang habas na paglabag ng mga ito sa mga karapatang pangtao.

“Lagi naming kinukundina ang paggamit ng mga improvised explosive devices, gaya ng landmine, dahil isa itong paglabag sa diwa at prinsipiyo ng IHL,” ang tinuran ni Mark Siapno, deputy spokesperson ng CHR, nitong Lunes sa regular na “virtual” na balitaan ng NTF-ELCAC.

Tiniyak din ni Siapno ang pagiimbestiga sa insidente ng komisyon upang bigyan hustisya ang mga naging biktima nito, dahil ang kagagawan ng mga teroristang CPP-NPA aniya, ay isang pagwalang-bahala sa karapatang pangtao.

“Kailangang masampahan ng kaso, dahil isa sa matinding panawagan ng CHR na di pwedeng gamitin ang anumang idelohiya para sabihin na okay lang o sapat lang lumabag sa karapatang pangtao at di na managot sa nagawang krimen,” ang paliwanag si Siapno.

Ikwinento naman ni Barangay 4 Captain Eddie Nuncio ang kanyang nasaksihan sa pangyayari na naganap noong umaga ng July 7 kung saan ang grupo ng mga sundalo at Cafgus aniya ay dumaan pa sa kanilang bahay habang siya ay nagkakape.

Ngunit makalipas ang ilang sandali nang makalampas na ang tropa ng pamahalaan ay nakarinig sila ng malakas na pagsabog na ikinatakot ng kapitan kaya ito ay agad na rumadyo sa bayan ng tulong, sapagkat nasa isip niyang inambus na ang mga kawal.

Nasundan ang pagsabog ng mga putok ng baril na tumagal sa halos 20 minuto, ang dagdag pa ni Nuncio. At pagtapos ng putukan agad silang nagpunta sa lugar ng pinangyarihan kung saan nakita nilang mga nakabulagta na ang mga sundalo na wala namang dalang mga armas.

Katabi ng mga napatay at mga sugatan ang mga kahoy na kanilang mga kinuha para gamitin sa pagtatayo ng kanilang kampo. May mga bahid na ito ng mga dugo, ang kuwento pa ni Nuncio.

Samantala,nagpahayag din si Maj. Gen. Pio Diñoso, Commander ng 8th Infantry Division ng Army na gumamit ang mga teroristang CPP-NPA ng land mine upang patayin ang kanyang mga sundalo. Ito ang narinig ni Nuncio na malakas na pagsabog, aniya.

“Naroon ang ating mga kawal hindi para makipaglaban. Wala silang dalang mga armas at wala silang kapasidad na lumaban. Ito ay lantarang paglabag sa International Humanitarian Law, bakit nila ginanun,” ang paliwanag pa ni Maj. Gen. Diñoso.

Ipinangako naman ng CHR sa pamamagitan ni Siapno na ang pangyayari ay maidadagdag nila sa maraming kaso na nang paglabag sa karapatang pangtao ng mga komunistang-terorista na kanilang muling sasampahan ng kaso kabilang ang mga lider nito.

The post CHR, NTF-ELCAC NAGKAISA LABAN SA NPA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
CHR, NTF-ELCAC NAGKAISA LABAN SA NPA CHR, NTF-ELCAC NAGKAISA LABAN SA NPA Reviewed by misfitgympal on Hulyo 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.