Facebook

Illegal at inbalido pala ang pinanalong arbitral case ng Pinas, ano na kaya ang mangyayari sa kaso sa West Philippine Sea (WPS)?

ANO na kaya ang mangyayari sa kaso nating pinanalo sa arbitral court hinggil sa kung sino talaga ang may-ari at may karapatan sa West Philippine sea (WPS) kung hindi naman pala tina-tanggap ng China ang desisyon ng nasabing korte?

Ayon sa China, illegal, null and void umano ang desisyong pinataw ng nasabing korte sa Haig noong 2016 limang taon na ang nakalipas.

Wala pa lang katuturan ang arbitral ruling dahil hindi nga ito kinikilala ng China. Sayang lang pala ang oras at panahon na ginugol natin dito na lumalabas na balewala lang.

Ang malaking kuwestiyon dito ay kung sino at kung anong korte pa ang susunod na dudulugan ng Pilipinas gayong ang korteng ito na yata ang may pinaka hurisdiksiyon sa nasabing usapin.

Para sa China, isa lang daw itong kapirasong papel na kung saan nakasaad ang desisyong ginawad ng nasabing korte na kung titingnan ay inbalido at walang sustansiya.

Sa pinahayag na ito ng China, ano na kaya ang hakbang o plano ng ating gobyerno, saan at kanino naman kaya ito tatakbo at sasangguni hinggil sa nasabing isyu.

Hindi maaaring matuldukan na lang ito ng basta-basta dahil sobreynidad at karapatan ng ating bansa ang pinag-uusapan dito.

Maliban dito, wala pa rin tayong naririnig o nalalaman hinggil sa kaso ng ating mangingisdang Pinoy na sadya umanong binangga ng isang Chinese vessel sa nasabing karagatan dalawang taon na ang nakalipas.

Kahabag-habag ang sinapit ng mga pobreng mangingisda na matapos banggain ay iniwanan at tinakbuhan pa ng mga Intsik na lulutang-lutang sa malamig na dagat. Wala pa ring development.

Saksing buhay tayong lahat sa lumabas na desisyon ng arbitral court na nagsasabing ang Pilipinas ang may-ari at may karapatan sa pinag-aagawang teritoryo.

Wala rin pa lang silbi ang ang ginawad na desisyon dahil sa hindi nga ito kinikilala ng China bagkus ay sila pa rin ang namamayagpag at nakukuha pang paalisin ang mga mangingisdang Pinoy sa sarili nilang karagatan, ano ba ito?

Maliban dito ay nananatili pa rin sa WPS ang kanilang mga illegal na istruktura na hindi natin malaman ang dahilan kung bakit ito nangyayari at kung bakit ito pinahihintulutan ng gobyerno.

Hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin tayong bulag sa kung ano ba talaga ang balak na mangyari ng ating gobyerno na para bang tayo pa ang nakikiusap sa mga banyagang ito.

Dominante pa rin nila ang ating karagatan na kung saan naglipana at mas nadadagdagan pa ang naglalakihan nilang mga barko, sila na ba talaga ang nagdidikta ng martsa?

Bukod sa mga barko nilang komersiyal ay nandon din ang presensiya ng kanilang coast guard at navy na para bang nagsasabing amin ang WPS at huwag kayong magkakamaling pasukin ito he… he… he…

Ginugunita nga pala ng mga mangingisdang Pinoy ngayong linggong ito ang pangalawang taon anibersaryo ng malagim nilang kabanata sa kamay ng mga Intsik na walang-awang binangga ang kanilang bangka at saka sila iniwanan na lulutang-lutang sa dagat.

Minsan daw ay hindi nila maalis ang sumama ang loob sa gobyerno dahil sa halip na sila daw ay tulungan ay para bang kinu-kunsinti pa ang mga Intsik na ni ha o ni ho ay wala silang naririnig.

Ayon sa kapitan ng binanggang banka na f/v jember na si Junel Insigne, mas lalo daw dumadami ang mga barko ng China sa nasabing karagatan.

Sila daw ay sa gilid-gilid na lang nakakapangisda dahil sa malaking takot na maulit muli ang malagim na trahedyang naganap dalawang taon na ang lumipas.

Sinisisi rin nila umano si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa sinabing isa lang daw simpleng maririme accident ang nangyari kung kaya’t ganito na lang ang inaasta ng China na may posibilidad din nga naman.

Ganon pa man ay umaasa pa rin daw sila na may gagawing aksiyon ang gobyerno bago man lang matapos ang termino ni Pangulong Digong sa 2022, sana nga.

The post Illegal at inbalido pala ang pinanalong arbitral case ng Pinas, ano na kaya ang mangyayari sa kaso sa West Philippine Sea (WPS)? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Illegal at inbalido pala ang pinanalong arbitral case ng Pinas, ano na kaya ang mangyayari sa kaso sa West Philippine Sea (WPS)? Illegal at inbalido pala ang pinanalong arbitral case ng Pinas, ano na kaya ang mangyayari sa kaso sa West Philippine Sea (WPS)? Reviewed by misfitgympal on Hulyo 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.