UMAALMA ngayon ang mga health workers sa lalawigan ng Quezon makaraang ma-delay ang kanilang mga sweldo pati na ang mga medical equipment na kanilang ginagamit para sa pagpuksa ng pagkalat ng COVID-19 virus sa probinsya. Ito’y sa kabila ng sapat na pondong nailaan para sa pasweldo sa mga empleyado ng kapitolyo simula pa 2020.
Sa panayam kay Sonny Ubana, board member at Majority Floor leader ng Sangguniang Panlalawigan sa probinsya ng Quezon, naglaan si Quezon governor Danny Suarez ng mahigit 75.5 milyong pisong pondo para sa pasweldo at mga benepisyo ng mga empleyado ng lalawigan. Ito ay mas mababa ng kaunti sa ginastos na 102 milyong piso noong 2019.
Ang pondo para sa pasweldo at mga pangangailangan ng probinsya ng Quezon ay naririyan at patuloy na naibibigay sa mga mamamayan sa kabila ng hindi pagpasa ng budget para sa 2021. May kabuuang 655 milyong pisong pondo ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Suarez.
Ayon kay Ubana, hindi pumayag ang Sanggunian na ipasa ang 2021 budget makaraang matuklasan nila na mayroong mahigit 200 to 300 milyong pisong kwestyunableng budget items duon sa panukalang badget ng gobernador na wala sa Annual Investment plan na ipinasa ng lalawigan.
Kailangang tugma ang Annual Investment Plan o AIP na dumaan sa masusing pag-aaral ng provincial board at maging sa tanggapan ng Governador at ang panukalang badget. Sinabi ni Ubana na sa badget na nais ipasa ni Suarez, tinagpasan ng gubernador ang budget para sa mga pampublikong ospital ng mahigit 20% na kanyang inilipat sa road works, pagpapagawa ng mga basketball courts at iba pang pagawaing pang-imprastraktura.
Para sa mga miyembro ng provincial board, ang ginawa ni Suarez ay paglabag at ‘di sang-ayon sa mismong pampublikong pahayag nito na maglalaan ng atensyon ang panlalawigang pamahalaan sa pagsugpo ng COVID-19. Sinunod din ng provincial board ang direktiba ng Department of Interior and Local Governments o DILG na kailangang detalyado ang paglalaanan ng pondo ng lalawigan at malinaw itong napag-aralan at nabusisi.
Palaisipan ngayon kung bakit hindi nakatatanggap ng karapatang sweldo at suportang pinansyal ang mga health workers at mga frontliners sa kampanya laban sa COVID-19. Ginawaran na ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM) ang lalawigan at nasa pangangasiwa ito ng tresurero sa ilalim ng tanggapan ni Quezon governor Suarez.
The post Health workers umalma sa kakulangan ng pondo sa Quezon appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: