HABANG patuloy sa pagsusulong ng mga batas para sa mas ligtas at matatag na komunidad, hindi rin tumitigil sa pagresponde at pag-ayuda si Senator Christopher “Bong” Go sa mga naaapektuhan ng natural na kalamidad at iba pang krisis upang sila ay makarekober.
Libong Taal evacuees sa Laurel, Batangas ang personal na binisita nitong Martes ni Senator Go para mag-abot ng tulong, makinig sa kanilang hinaing at mag-alok ng solusyon sa araw-araw nilang pakikipaglaban sa buhay.
“Mga kababayan ko, alam kong mahirap ang panahon ngayon. Nandito pa tayo sa gitna ng pandemya, tinamaan pa tayo ng nag-aalborotong Taal. Magtulungan lang po tayo,” ang panimula ni Go.
Katuwang ang mga concerned agencies, nagsagawa ng relief operation sa Laurel Municipal Hall sa may 1,004 beneficiaries na nakatanggap ng grocery packs, meals, masks, face shields at vitamins ang grupo ni Go.
Namahagi rin sila ng mga bagong sapatos, bisikleta at computer tablets.
Ang Department of Social Welfare and Development ay nagbigay sa bawat benepisyaryo ng financial assistance habang ang Department of Health ay nag-supply ng karagdagang mga gamot at bitamina.
Nagbahagi rin ng kanya-kanyang tulong ang Department of Agriculture at Department of Trade and Industry.
Isang ginang na mangingisda at may sampung anak, si Martha Endoso, ay ginunita kung papaano sila sobrang naapektuhan at nahirapan sa pagsabog ng Taal Volcano.
Ngunit sa kabila ng hirap na dinaranas ng kanyang pamilya, patuloy na umaasa si Endoso na makarerekober din sila sa tulong ng pamahalaan.
“Senador Bong Go, ako ay nagpapasalamat sa inyo ng maraming-marami at maraming tao kayong natutulungan dito sa aming lugar. Salamat ng maraming marami sa inyo at sana ho ay huwag kayong makakalimot sa amin,” ang sabi ni Endoso.
“Sa aming mga may pagdadaanan pa ay huwag kayong mananawa na tumulong sa aming lahat. Maliit o malaki ay inyong tinutulungan, kaya maraming maraming salamat sa inyo,” idinagdag ni Endoso.
Kaya naman sinabi ni Go na hindi siya tumitigil at hindi nawawalan ng pag-asa na maging ganap na batas ang inihain niya sa Senado na Department of Disaster Resilience Bill.
“Kasi kailangan po nating i-scale up po ang preparedness to resilience. So ibig sabihin, hindi lang nakahanda, talagang kaya na natin makatayo muli kapag tinamaan tayo ng bagyo o pagputok ng bulkan o earthquake,” sabi ni Go.
“Ang gusto po mangyari ng departamentong ito bago pa po dumating ang bagyo o ‘yung pagputok ng bulkan, meron na pong secretary-level na makikipag coordinate po sa local governments. Kung meron pong departamentong nakatutok po sa kanila, ito na po ‘yung makikipag-coordinate,” anang senador.
“Kami po ni Pangulong Duterte ay patuloy ho kaming magserserbisyo po sa inyo, beinte cuatro oras po ‘yan. Maraming salamat, mga Batangueño. Mahal na mahal po namin kayo,” pahabol ni Go na noong 2019 ay idineklarang adopted son ng CALABARZON region sa pamamagitan ng manifesto na inisyu ng mga gubernador ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
The post LIBONG BAKWIT SA TAAL CRISIS, INAYUDAHAN NI BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: