BAGO pa man ang COVID-19 na pandemya ay nasa disbentaheng posisyon na ang kababaihang manggagawa kapwa sa lugar ng trabaho, sa loob ng tahanan, at sa buong lipunan. Hindi nakapagtataka na lalong lumala ang kalagayang ito nang humantong ang COVID-19 pandemic sa pinakamalalang resesyon matapos ang WWII.
Ano mabigat na epekto ng pandemya at krisis sa babaeng manggagawa? Mas dumami ang nawalan ng trabaho at pagkakakitaan. Nitong 2019, ang datos ng Pilipinas sa joblessness ay 30% sa kababaihan, 12% naman sa kalalakihan. Dahil sa pandemya, nitong 2020, tumaas ang kawalan ng hanapbuhay, 47% sa kababaihan at 29% sa kalalakihan (Mangahas, 2021).
Sa pinakahuling ulat na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), 1.037 milyong kababaihan ang nag-dropout sa labor force nito lamang Enero 2021. Ang dropout sa labor force ay iba pa sa bilang ng tinatawag na unemployed dahil ang huli ay walang trabaho pero ‘actively looking for job’ habang ang una ay unemployed pero hindi na naghahanap ng trabaho.
Isa lang ang kahahantungan ng problema ng kawalang trabaho sa kababaihan. Gutom. Kaya nga siya nagtrabaho ay upang buhayin o makatulong buhayin ang pamilya. Ngayong nalaglag siya sa labor force, o nawalan ng trabaho at walang makitang bagong trabaho, lahat na ng problema sa kabuhayan ay kakaharapin na niya at ng buong pamilya.
Hindi pa nakakapagsagawa ang gobyerno ng pag-aaral sa kagutuman at kahirapan na siyang inaasahang magiging epekto ng krisis. Ang Social Weather Station (SWS) ang nagsagawa ng survey hinggil dito. “Hunger at new record-high 30.7% of families”, ayon sa sarbey noong Oktubre 2020. Nag-triple ang kagutuman sa Pilipinas mula 8.8% nuong Disyembre 2019. Ayon sa SWS, ito ang pinakamataas sa mahigit sa 90 surveys na isinagawa nito sa nakaraang 22 taon.
Hindi rin ibig sabihin na dahil nawalan ng trabaho ang maraming babae ay dumami lang ang babaeng tambay. Dahil walang panahong magtambay ang babae, kahit noong siya ay mayroon pang trabaho. Double-burden ang tawag sa ganitong papel ng babae dahil bukod sa pagtatrabaho ay kargo pa niya ang maraming gawain sa bahay na lalo lang nagdagdagan ngayong pademya, kabilang ang pagtuturo sa mga bata online at offline.
Sa yugtong ito ng krisis, litaw na litaw ang kapabayaan at kawalan ng malasakit ng gobyernong Duterte sa kababaihan. Sa mga programang isinusulong nito, walang anumang plano para maibsan ang kawalan ng trabaho, kagutuman at bigat ng dagdag na pasanin ng kababaihan sa loob ng tahanan bunga ng restriksyon sa mga ospital, at pagsasara ng mga paaralan at daycare centers. Sa halip na pondohan ang regular na ayuda habang nasa krisis, at programa para sa pampublikong empleyo, mas minabuti ni Duterte na gamitin ang mas malaking pondo para 2021 sa DPWH alam ng lahat na pugad ng korapsayon at imabkan ng pork barrel ng mga politiko.
Karamihan sa ating mga frontliners sa healthcare ay kababaihan. Ang bilang nila ay dapat pang dagdagan at ang buong sistema ay suportahan ng mas malaking pondo dahil makakapiling natin ang pandemya sa mahabang panahon lalo’t lumalala ang krisis sa klima. Kababaihan din ang karamihan sa food services, wholesale and retail, turismo, at sa iba pang serbisyo. Kailangan nila ng proteksyon sa trabaho, karapatan at benepisyon. At sa ating mga kananayan sa mga tahanan, ang kailangan nilay suporta sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak sa panahong ito ng kahirapan.
Nakakalungkot na sa dami ng pasanin ng kababaihan, marami dito ay nakakubli. Mabigat pero hindi pansin. Malawak pero makitid ang pagtingin dito ng estado. Mas malala kung ito ay joke lang.
Mabuti pa ang tarpulin ng isang babae, agaw-pansin sa lahat ng sulok at kalye sa buong bansa. Mukha niya ay hindi kakitaan ng problema. Kahirapan ay hindi ramdam kung saan siya nakakabit. Hindi siya nananawagan ng rebolusyon para sa “bread or freedom” na siyang kasaysayan ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.
Napapa-epal lamang siya para sa paparating na eleksyon.
The post Babae sa panahon ng pandemya at krisis appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: