Facebook

Mauubos kaya ang mga aktibista?

NITONG nakalipas na Linggo ay masasabi nating pinakamadugo na araw para sa mga aktibista.

Oo! Siyam ang natigok nung Linggo sa search warrants operations na tinawag nila ngayong “death warrants” laban sa mga aktibista, mga lider/organizer ng mga grupong nagsisigaw sa kalye sa tuwing may disgusto sa programa o polisiya ng gobyerno. Ngunit para sa Duterte administration sila’y mga kasapi ng komunistang New Peiple’s Army (NPA) na gustong magpabagsak sa gobyerno.

Ang mga binira ng mga operatiba ng PNP at AFP nung Linggo ay ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon). Madaling-araw sila ginapang ng mga pulis at militar.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Emmanuel “Manny” Asuncion, secretary general ng Bayan sa Cavite at kilalang mass organizer sa Southern Tagalog, residente ng Salitran I, Dasmarinas, Cavite; mag-asawang Ariel at Ana Mariz Evangelista, miembro ng proresibong grupong Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan (UMALPASKA), ng Bgy. Calayo, Nasugbu, Batangas; Melvin de Guzman, Calec Buds Bacasno at alias Mac Mac/ Happy na pawang residente ng Bgy. San Jose, Rodriguez, Rizal; magkapatid na Puroy at Randy Bermehedo alias “Palong” ng Bgy. Sta. Ines, Tanay, Rizal; at mag-anak na Edward Damas at Abner Damas-Rodriguez na kapwa residente ng Bgy. Puray, Rodriguez, Rizal. Mga NPA raw sila.

Ang mga masuwerte namang ‘di nakaret ni kamatayan ay nakilalang sina Esteban Larwa Esteban at Elizabeth Camoral na kapwa residente ng Cabuyao City, Laguna; at isang Joan Castro Efren alias “Joan Ignacio Efren” ng San Isidro, Rodriguez, Rizal. Ang tatlo pa ay hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan pero mga kasapi raw ang mga ito ng NPA.

Sinasabing nakunan ang mga ito ng iba’t ibang uri ng kalibre ng mga baril at bala.

Maliban sa mga nasawi at naaresto, may siyam pa raw na nakatakas na tinutugis ngayon ng pulisya at militar.

Ang madugong operasyon na ito ay kasunod ng speech ni Pangulong Rody Duterte nung Biyernes, Pebrero 5, na patayin, ubusin ang mga komunistang rebelde sa bansa.

Ayaw naman maniwala ang mga progresibong grupo na nanlaban ang mga napatay. Talagang pinatay daw ang mga ito. Paano naman kasi itong mga operatiba ayaw gumamit ng bodycamera sa kanilang mga operasyon para may ebidensiya sila kapag kinailangan sa mga imbestigasyon.

Sa kabila ng pagkalagas ng siyam na aktibista nung Linggo, hindi parin napigilan ang militanteng grupo ng kababaihan, Gabriela, nitong Lunes sa pagmartsa sa kalye patungo sa Mendiola kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day.

Tinuligsa ng grupo ang pagpatay sa kanilang mga kasamahan. Anila, dapat managot si Pangulong Duterte sa madugong operasyon.

Ang kailangan anila ay ayuda, pagkalingan sa panahon ng pandemya, hindi bala!

Tsk tsk tsk… ganitong ganito ang nangyari noong panahon ng diktadoryang Marcos. Halos maubos noon ang mga militante at NPA. Pero muling yumabong nang mapatalsik si Marcos at naupo si Cory Aquino na nagdeklara ng demokrasya sa bansa.

Sa nalalabing 15 buwan ng Duterte administration, magawa kaya niyang maubos ang mga aktibista at komunistang NPA tulad ng kanyang pangako?

Sa nakikita ko nitong Lunes, sa rally ng mga progresibong grupo sa pamumuno ng Gabriela, napakarami nila para patahimikin ng pulis at militar. Baka mangyari ang nangyari noon na habang pinagdudukot ang mga militante ay lalong lumalaki ang bilang ng mga nananawagan na ibagsak si Marcos.

Teka… baka naman diversionary lang ito ng gobyerno upang matakpan ang kabiguan sa paglaban sa pandemya? Hmmn!!!

The post Mauubos kaya ang mga aktibista? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mauubos kaya ang mga aktibista? Mauubos kaya ang mga aktibista? Reviewed by misfitgympal on Marso 08, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.