PINANINDIGAN ng Bureau of Corrections (BuCor) ang paglalagay ng sementadong bakod sa access road sa Poblacion, Muntinlupa City na umano’y kinakailangan para sa “maximum security” ng New Bilibid Prisons (NBP).
Sinabi ni BuCor spokesperson, Assistance Secretary Gabriel Chaclag, na matagal na itong plano at napasabihan naman ang mga apektadong lokal na pamahalaan ukol dito.
“We do not prevent residents of NHA Southville 3 from accessing city proper… Matagal po plano ito at dapat lang, kasi po kailangan secured ang maximum security prison natin,” ayon kay Chaclag.
Noong Sabado (Marso 20) binakuran ang access road sa may NHA Southville 3 housing project sa Poblacion na patungong barangay proper. Inireklamo ito ng mga residente na nahirapan sa pagpasok sa trabaho at pagtungo sa sentro ng Muntinlupa.
Ngunit ayon kay Chaclag, may nabuksan namang alternatibong ruta sa lupain ng NBP sa Biazon Road bilang kapalit sa nakasarang kalsada. Maaari itong gamitin ng mga residente at kailangang makasanayan lamang nila kahit na mas malayo ito.
“Konting sakripisyo lamang naman po [na] dagdagan ng 1.5 km lang ang kanilang travel distance [kaysa] sa dating shortcut. Ito rin ay pagbibigay ng dignity sa mga residents na hindi sila habang buhay na nakikidaan lamang sa loob ng BuCor,” giit ni Chaclag.
Giit naman ng Barangay Chairman na si Allen Ampaya, hindi makatarungan ang pagsasara ng kalsada sa 40,000 tao na nakatira sa Southville 3. Bahagi aniya ng pagpapatayo ng housing project ang access road para sa mga residente na karamihan ay mahihirap.
(Gaynor Bonilla)
The post Pagbakod sa kalsada sa Munti pinandigan ng BuCor appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: