Facebook

BAWIIN NA ANG PRANGKISA NG GLOBE AT SMART, NGAYON NA!

NOON ay binantaan ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte ang PLDT-Smart at Globe Telecommunications na ayusin ang internet speed at interconnection kungdi ay babawiin ang prangkisa nila, at gobyerno na ang magpapatakbo sa operasyon nila.

Bantaan rin kaya ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang Smart at Globe sa mabagal na internet speed ng mga ito na matagal nang inirereklamo ng milyon-milyong subscribers nila?

Ito ang kinasasabikang marinig ng taumbayan mula kay PBBM.

Aba’y up to now kasi mga masugid kong tagasubaybay ay magagandang praise releases lamang ang improvement na naibigay ng dalawang giant telecom companies, at walang naging pagbabago.

Napapanahon na kayang bawiin ng gobyerno ang prangkisa ng Globe at Smart, at gobyerno na ang magpatakbo sa operasyon nila?

Ito ang gusto at inaabangang marinig ng taumbayan mula kay PBBM ang kastiguhin ang 2 giant telcos at iba pa.

Samantala, pabor ang inyong lingkod na bukod sa pagkastigo, dapat ay patawan ng mabigat na multa ang PLDT-Smart at Globe na hanggang ngayon ay nagkakamal ng bilyon-bilyong piso sa kabila ng super kupad, palpak na serbisyong internet speeds sa bansa.

Nakahihiya ang Pilipinas sa mundo na tayo ay isa sa pinakulelat sa bilis ng internet connections.

Ang mabilis na koneksiyon ay hindi na isang bisyo o kapritso lamang: ito ay kabilang na sa ating karapatang pantao, ngayon na tayo ay nasa mundo ng mabilis na paggalaw ng teknolohiya ng komunikasyon.

Kunektado ang internet speed sa bawat minuto ng ating galaw sa buhay.

Mahalagang gamit ito sa pagkuha ng mahahalagang impormasyon, kaalaman at sa negosyo, ‘wag nang idagdag pa ang halaga nito sa talastasan, edukasyon, siyensiya, kalusugan, at iba pang mahalagang porma sa kilos, pagsasalita, sa pagtuklas ngayon sa makabagong mundo ng teknolohiya.
***
Sa kasalukuyan ang average mobile internet speed natin sa Pilipinas ay 18.49 megabits per second (Mbps) at sa ranking ay isa tayo sa kulelat na kinabibilangan ng 140 bansa.

Ibig sabihin, mabagal ang serbisyo na nakukuha natin sa paghahatid-mensahe na gamit ang ating cellphone.

Konti lamang ang abante natin sa Indonesia sa 17.45 Mbps nito.

Ito ang lumabas sa Speedtest Global Index na kada isang buwan ay sinusuri ang fixed broadband speeds sa buong mundo.

Sa huling ranking ng Speedtest ay No. 1 pa rin ang United Arab Emirates at pinakakulelat or usad kuhol sa speed ang Afghanistan.

Ayon pa sa Speedtest, mabilis lang tayo nang bahagya sa mga bansang Bolivia, Namibia, Haiti, Panama, Rwanda, Uganda, Sudan at sa Afghanistan.

Ang karaniwang bilis ng internet connection sa mundo, ayon din sa Speedtest ay 45.69 Mbps, at ang regional average naman ay 30.94 Mbps sa 10 bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
***
Malaki ang kasalanan ng National Telecommunications Commission (NTC) kaya superbagal ang internet connections natin.

Hindi nito kinakastigo at inoobliga ang Globe at Smart na paghusayin at makapantay tayo sa internet speeds ng ating mga kalapit bansa sa Asia.

Kaya dapat ay utusan na ni PBBM ang NTC na magtakda ng mandatory speed targets sa mga internet service providers bawat taon, at kung hindi ito magawa, ay patawan ng malaking multa kada araw.

Batay sa market research company Statista projects, tataas hanggang 80 percent ang gagamit ng cellphone mula ngayon hanggang 2025.

May panukala noon sa Kongreso na kung mabigo ang service provider na makuha ang takdang hagibis ng Internet speed targets bawat taon, ang pataw na multa ay gawing P1 milyon kada araw o P365 milyon.

Matitigil lamang ang multa kung magawa ng telecommunications ang target na tulin ng internet speeds.
***
Malaki ang maitutulong sa pagbangon ng ekonomya kung mahusay ang serbisyo ng Globe at PLDT-Smart na sa kasalukuyan, ayon sa latest Digital 2022 report ng Social Media Management Firm Hootsuite at We Are Social, nasa mahigit na 76 milyon ang internet users sa Pilipinas.

Kung sakaling tularan ni PBBM si Duterte na bantaan at kastiguhin ang Smart, Globe at iba pang telcos, nais nating malaman ay kung ano ang gagawin ng gobyerno sakaling hindi makatupad ang dalawang higanteng telecommunications company at iba pa na maging hagibis sa tulin ang internet connections na palagi nilang ipinapangako.

Nakadepende sa husay at pagsabay natin sa digital world ang buhay at kamatayan ng ating bansa ngayong lugmok na tayo sa utang, at maraming negosyo, industriya, hanapbuhay at paghihirap na dulot ng COVID-19 pandemic.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post BAWIIN NA ANG PRANGKISA NG GLOBE AT SMART, NGAYON NA! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BAWIIN NA ANG PRANGKISA NG GLOBE AT SMART, NGAYON NA! BAWIIN NA ANG PRANGKISA NG GLOBE AT SMART, NGAYON NA! Reviewed by misfitgympal on Oktubre 31, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.