Facebook

MALAYANG PAMAMAHAYAG ANG BUHAY NG DEMOKRASYA!

ANG malayang pamamahayag ay siyang buhay na hininga ng demokrasya. Ito ay iniukit na sa ating Konstitusyon (Bill of Rights) sa Art. III, sek, 4 na sinasabi: No law shall be pass abridging the freedom of speech, of expression, or of the press xxx.”

Ibig sabihin, ang gobyerno, ang Kongreso ay hindi magpapatibay ng batas na pipigil, puputol at sisikil sa kalayaan sa pagpapahayag at sa kalayaan sa pamamahayag tulad ng mga pahayagan, magasin, radio at telebisyon at iba pang kauring gamit sa pagpapahayag at pagsasalita.

Pero kakatwa, ang mga taong gobyerno na siya sanang unang-unang gagalang at tutupad sa mga likas na karapatang ito ang madalas na sumisikil, pumipigil at pumapatay sa malayang pamamahayag.

Lahat ng taong gobyerno, halal man o hinirang sa tungkulin ay hindi dapat na balat-sibuyas (onion-skinned) kung sila ay nababatikos, pinupuna at inilalantad sa bayan ang mga mali at masasamang nilang ginagawa.

Public servant o lingkod-bayan ang taong pamahalaan. Ibig sabihin, sila ay nasa puwesto upang maglingkod nang matapat sa bayan. Sila ay binabayaran ng taumbayan para maglingkod, hindi para umabuso, hindi para manggipit, hindi para magpayaman na gamit ang kapangyarihang bayan ang nagkaloob.

Sa desisyong sinulat ng Supreme Court (US vs. Bustos, 1918) ay binanggit na ang mga taong gobyerno ay dadanas ng hirap at ng di-makatwirang mga paratang. Pero hindi sila dapat na maging balat-sibuyas kung mabatikos at ang sugat na nalikha ng akusasyon ay mapaghihilom ng pagkakaroon ng isang malinis na budhi.

Sa G.R. No. 111304, Hunyo 17, 1994, sinabi ng SC na ang isang opisyal, lalo na kung halal ng bayan ay hindi dapat na “onion skinned.” Ang isang lingkod-bayan – mula president pababa hanggang sa halal na kagawad ng barangay –, sabi ng SC ay “property of the public.”

Ang isang public servant ay pag-aari siya ng bayan. Kaya inaasahan sa kanya na kumilos, magsalita at mamuhay nang kagalang-galang at maging mapagtimpi at mahinahon sa harap ng pinakamasakit at pinakamatinding pagbatikos at pag-alipusta ng taumbayan.

***

Ang pagtatangka na sikilin at busalan ang malayang pamamahayag ay dapat na labanan ng taumbayan. Ito ay maliwanag na paglabag sa konstitusyon sa pag-iral ng malayang pamamahayag.

Upang patuloy na mabuhay ang isang masamang pamamahala, unang ginagawa nito ay ang sikilin at patayin ang malayang pamamahayag. Hindi ito dapat na mangyari kaya tungkulin ng bayan, na labanan ang lahat ng kilos at layunin na papatay sa malayang pamamahayag.

Kung walang malayang pamamahayag, mamamatay ang demokrasya at ang mabubuhay ay diktadurya.

***

Tama bang isipin na marami sa opisyal-publiko ang tingin sa pamahalaan ay isang gatasang-baka? Kunwari ay serbisyo sa bayan ang layon nila, pero ang tingin nila sa kaban ng bayan ay negosyo – negosyo na walang lugi at mapagkukunan nila ng malaking kayamanan.

Palasak na ang tawag sa “biding-bidingan” na ang mga kontrata sa mga munisipyo, pagtatayo ng mga gusali, mula sa pagbili ng computer, mga gamot, karaniwang gamit sa opisina; mga sasakyan, gasoline, mga travel, representation expenses at iba pa ay pinagkakaperahan.

Marami sa binibili ay may patong o overprice at kasabwat ang mga kausap na kompanya na pinalulusot naman ng mga inhouse na auditor ng gobyerno ay kasali sa “partehan.” May mga raket din ang mga nasa Sanggunian. Bago maaprubahan, halimbawa ay conversion ng lupa sakahan para magamit na komersiyal at residential, kailangang may “magagandang usapan.”

Sa mga barangay, ang milyon-milyong parte sa Internal Revenue Allotment (IRA) ay madalas na shoot sa bulsa ni Kapitan. Hindi lalaganap ang ilegal na sugal, ilegal na droga, prostitusyon at iba pang kalokohan nang walang basbas si Kapitan.

Ganyan katalamak ang korapsyon sa LGUs at pag inupakan at binanatan, pananakot, demanda at pagpatay ang sagot ng mga kagalang-galang na Public Servant.
***
Sa kabila ng totohanang reporma at kampanya kontra katiwalian at kurapsiyon sa Bureau of Customs (BoC), bakit daw hindi pa rin mabuwag-buwag ang mga sindikato ng ismagler at mga palusutan dito?

Bakit nga ba, at ang kasunod na tanong: Dapat na bang maglagay ng mga santo sa Customs para ang dumi rito ay tuluyang malinis?

May katwirang madismaya ang mga nagtatanong kung kalian ba ganap na malilinis ang BoC na sa nakalipas na mga administrasyon ay nagpatupad ng kani-kanilang kampanya laban sa katiwalian at kabulukan sa naturang ahensiya.

Sa mga nakaraang administrasyon, may malalaking isda rin sa loob at labas ng Customs na ang inusig at sinampahan ng mga kasong nililitis pa ang marami sa Ombudsman, Sandiganbayan at sa mga korte sa bansa.

Pero matapos na matuwa ang marami sa naunang desisyon na pabor sa gobyerno, makaraan ang ilang buwan ang katuwaan ay napapalitan ng matinding pagluluksa, kumbaga.

Nagagawa ng ilan na makalusot sa lambat at sapot ng hustisya.

Ang ganitong mga pangyayari ay nagpapagunita ng matandang kasabihan: Gamo-gamo, langaw at kulisap lamang ang mahuhuli ng sapot ng gagamba.

Tiyak na wasak ang sapot kung ang tangkang huhulihin ay isang agila.

Gayundin, walang matibay na lambat kung ang huhulihin ay mga dambuhalang pating sa katihan.
***
Masakit aminin, pero ito ang patuloy na nasasaksihan ng bayan.

Pipit at maya lamang, mga dilis at galunggong lang ang nabibitag ng sapot at lambat na panlaban sa mga kurap.

Kailangan na nga ba ng mga santo sa Aduana, tulad ng nais ng iba, pero ang kasunod na mga tanong, may mga santo bang papaya na mamahala sa Customs at iba pang ahensiya ng pamahalaan na nanggigitata sa dungis at kasamaan.

Noon daw panahon ni Pangulong Ramon Magsaysay, makikisig na disiplinadong mistah ng Philippine Military Academy ang naipuwesto sa Customs.

Sa simula ay kasama sila sa paglutas sa problema, pero nang magtagal, sila na raw ang pinakamalaking problema sa Aduana.

May pag-asa pa ba na mapatino ang Customs?
***
“Lawakan natin, buksan natin ang ating isipan!”

‘Wag isara ang puso at pagtitiwala na dahil ang iba ay nabigong mabago ang Bureau of Customs, hindi na ito maaari pang mabago, at lahat ng pagsisikap ay mauuwi sa wala.

Ito umano ang apila ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa publiko, higit sa mga kasamang kapwa public servant sa BoC.

Kung hihinto na siya at mga kasama sa Aduana na naniniwala na kayang mabago at maireporma ang BoC, wala ngang mangyayari, kaya ang pakiusap ni Ruiz: magpatuloy tayong lahat na magsumikap, magpatuloy sa kabila nang maraming paghamon at kaya, makakayang baguhin ang mga mali, maitutuwid ang mga baluktot, basta ‘wag lang titigil sa pangangarap na mababago rin ang lahat.

Mabuting pagtatrabaho, walang pingas na pagtitiwala sa kabutihan at katapatan ng mga kasama sa BoC ay isa sa mga susi ng reporma sa kawanihan.

Kung maging matino at mahusay sa trabaho, ang pagbabago ay kailangang maitawid sa puso ng taumbayan, at ito ay magagawa kung ang lahat ay magtutulungan, at ang lahat ay makikiisa sa ginagawa niyang reporma, pakiusap ni Ruiz.

Malinis, matapat at mapagkakatiwalaan ang tanging nais ni Sir Yogi, at naniniwala po tayo, ito rin ang hangad ng pinakamaraming tunay na lingkodbayan sa Customs.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post MALAYANG PAMAMAHAYAG ANG BUHAY NG DEMOKRASYA! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MALAYANG PAMAMAHAYAG ANG BUHAY NG DEMOKRASYA! MALAYANG PAMAMAHAYAG ANG BUHAY NG DEMOKRASYA! Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 03, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.