NAGAWA na ang karamihan sa license plate ngunit hindi ito maipamigay sa mga may-ari ng kotse at ibang sasakyang panlupa dahil sa kontrobersya na nag-uugat sa order ng isang bangko. Tungkol ito sa kontrobersyal na freeze order ng ibinaba ng Ortigas branch of Land Bank of the Philippines (LBP) sa bank account ng PPI-JKG Philippines, Inc. na kilala ngayon bilang OMI-JKG Philippines, Inc., isang kontratista ng Land Transportation Office (LTO), ang sangay ng gobyerno na nangangasiwa sa rehistro ng lahat ng sasakyang panlupa at ang pamamahagi ng mga license plate sa may-ari ng sasakyan.
Nag-umpisa ang freeze order sa isang liham mula kay Christian Calalang, isang hindi kilalang nilalang na nagpalsipika umano ng dokumento ng General Information Sheet (GIS) at nagsabing ibinenta niya ang mga sapi (stocks o shares) ng kompanya sa isang mangangalakal na nangangalang Annabelle Arcilla-Margaroli. Utos ng batas na magsumite ang bawat pribadong kompanya ng GIS sa Securities and Exchange Commission (SEC) upang atyagan ang kanilang takbo at malaman kung sinusunod nila ang batas sa korporasyon.
Napag-alaman na isang sapi (stock) lang ang pag-aari ni Calalang sa OMI-JKG at nagkakahalaga ito ng P100. May kasunduan dati ang PPI-JKG na joint venture sa Dutch Company JKG, ang gumagawa ng plates, at nagsilbi ang kompanya bilang supplier ng license plate ng LTO bago ito binili at kinuha ni Arcilla-Margaroli. Ang pagkakabili ang dahilan na baguhin ang pangalan ng kumpanya at makilala ito bilang OMI-JKG Philippines, Inc., o OMI-JKG.
Naging sanhi ang freeze order na maraming abala at antala sa pamamahagi ng motor vehicle plates sa bansa dahil sinikap bayaran ng OMI-JKG ang mga utang sa local at foreign supplier. Ayon sa regulasyon ng LTO, kailangan irehistro ng lahat ng may-ari ang kanilang sasakyan. Binigyan sila ng license plate bilang batayan ng pagkakakilanlan ng sasakyan. Maraming sasakyan ang nakarehistro, ngunit hindi pa naisyuhan ng license plate. Isa ito sa mga isyu na humaharap sa LTO sapagkat nagbayad na gn mga may-ari ngunit wala silang license plate.
Nagpahayag ng kalungkutan si Dean Israelito Torreon, legal representative ng OMI-JKG, dahil sa pagtanggi ng Land Bank Ortigas at LBP Branch Manager Nenita Camposano na payagang ilabas ng pondo upang bayaran ang mga supplier. Ikinatwiran ni Torreon na ibinatay ang desisyon ng bangko sa isang letter of request mula kay Calalang. Kalakip ng liham ang palsipikadong GIS na nagsilbing batayan ng freeze order.
Tumugon ang bangko sa pamamagitan ng isang interpleader at sinabi ng pamunuan nito ang mga magkakasalungat na kahilingan at utos mula kay Calalang at Arcilla-Margaroli bilang batayan sa freeze order. Binanggit ng bangko ang alinlangan kung sino ang may awtoridad sa frozen account na nangailangan ng resolution sa pamamagitan ng aksyon ng husgado (litigation) sa mga sangkot na tao.
Nagpadala umano si Calalang ng parehong sulat sa ibang bangko kung saan mayroon si Arcilla-Margaroli ng company account matapos nakuha ang kontrol ng kompanya. Kasama ang mga bangko na Asia United Bank (AUB), Security Bank and Trust Co., Union Bank, PNB, at BPI. Hindi sinunod ng mga bangkong ito ang kahilingan ni Calalang. Binusisi ang mga dokumento isinumite ni Arcilla-Margaroli at napag-alaman nila na maayos silang lahat.
Bilang tugon sa subpoena mula sa National Bureau of Investigation (NBI), nilinaw umano ng mga aktibong bangko na hindi signatory si Calalang sa account at walang court order o sapat na dokumento na nagpapatunay sa kanyang inaangkin na awtoridad. Tanging ang Land Bank Ortigas branch lang ang may freeze order sa pondo ng PPI-JKG kahit may naunang deduction ng P182 milyon sa pamamagitan ng manager’s check mula sa bank account ng korporasyon mula sa kahilingan ni Arcilla-Margaroli.
Nangyari ang biglaang freeze order ng bank account matapos bumalik si Arcilla-Margaroli sa bangko pagkatapos ayusin niya ang naunang problema sa AUB na katulad ng pag-aangkin ni Calalang sa araw na iyon. Nakakagulat ang ganoong sitwasyon dahil inilaan ang pondo para sa isang kritikal na proyekto ng gobyerno na nangangailangan ng tamang dokumentasyon na pag-aari ni Arcilla-Margaroli ang JKG Group.
Sa kabila, mahina ang batayan ng pag-aangkin ni Calalang na pag-aari niya ang kompanya. Naberipika ng PNP na palsipikado ang mga dokumento na hawak ni Calalang. Ganito rin ang konklusyon ng NBI at mga piskal at ito ang dahilan kung bakit may siyam na kasong kriminal ang iniharap ni Arcilla-Margaroli at foreign partner, JKG laban sa kanya at mga kasama. Naisyuhan si Calalang ng arrest warrant at sumailalim na siya ng arraignment.
***
HINDI natapos ang isyu sa asunto kontra Calalang. Samantala, umigting ang tunggalian sa isyu ng license plate. Nagmatigas ang OMI-JKG sa pagtanggi na muling ipadala ang mga kopya ng mga comma-separated values (CSV) files sa LTO kung hindi nila matanggap ang kabayaran ng P470 milyon sa husgado para sa kanilang delivery. Mahalaga ang mga CSV files para sa printing ng natitirang 500,000 pares ng vehicle plates sa loob ng planta ng LTO. Bahagi ang mga license plates sa milyon na license plate na ibinigay ng LTO sa mga may-ari ng mga sasakyan. Bahagi ito ng ipinamimigay sa ilalim ng OMI-JKG group. Ang kamalas-malasan ay mukhang naiwala ng LTO ang CSV files. Isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi naimprenta ang 500k pares ng blank plates na naunang naibigay ng OMI-JKG.
Walang awtoridad si Calalang sa plate supplier at RFID tag supplies. Pinatunayan ito ng palitan ng liham sa pagitan ni Calalang at JKG sa Netherlands. Tungkol ang palitan ng sulat sa CSV files na hiningi ng LTO at kasama ang sagot ng JKG sa LTO at Department of Transportation (DOTr). Lumalabas na kinilala ng Singaporean supplier ang OMI bilang nag-iisang distributor ng RFID tags sa LTO. Kailangan ng mga RFID tags ng AES keys at magkahiwalay na software at hardware upang mabasa at maging aktibo.
Ayon sa terms of reference (TOR), hindi sapilitan ang pagiging aktibo ng RFID tags. Ngunit dahil sa pagtanggi ng LTO na ibigay master key sa automatic activation sa planta, maituturing na mas gusto ng LTO na sila ang humawak ng activation process batay sa orihinal na TOR. Ang master key na kontrolado ng plant supplier TROJAN-TONNJES, ay hindi inendorso ng LTO sa supplier, OMI-JKG.
Kilala na ang kompanya na nag-aari ng kakayahan na ibigay ang CSV files at gawing aktibo ang RFID tags. Proyekto ito na ginastusan ng P603 milyon na pondo na bayan. Mukhang nalilito ang Office of the Solicitor General (OSG) at isa ito sa mga dahilan kung bakit nababalam ang release ng kabayaran sa kontratista. Hawak ng kontratista ang mga dokumento upang patunayan ang pagmamay-ari ng kompanya at ang mga delivery na naisagawa.
May mga ilang source ang nagtatanong kung si James Cundangan, ang assistant solicitor general. Nagpahayag sila ng pagkabahala sa kanyang motibo na unahin ang claim ni CalalangiImbes na bayaran ang OMI-JKG. Tinatanong nila kung may natanggap na bahagi umano si Cundangan kung magka-ayos ang OMI-JKG at si Calalang. Tanong: “Para ba talaga sa interes ng publiko at gobyerno ang ginagawa ni Cundangan or pabor lang para kay Calalang?”
Pinakamahalagang magkaroon ng katarungan. Kailangan maayos ang interpleader cases na nai-file sa husgado ng Land Bank at LTO. Kailangan makilala ang tunay na may-ari ng kompanya at maibigay na sa mga may-ari ng sasakyan ang license plate. Kailangan usigin at habulin ng kasong kriminal ang mga nagpapanggap na may-ari.
The post ORDER NG BANGKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: