QUEZON, ISABELA – Arestado ang pitong pinaniwalaang nagtutulak ng ipinagbabawal na pinatuyong dahon ng marijuana na pawang taga-kalakhang Maynila nang maharang sa pagpuslit ng mga otorida sa Kalinga at Isabela.
Unang naaresto sina Augusto at Wenceslao Formales-Galicia, kapwa nasa tamang edad, may-asawa at parehong driver at residente ng Peñafrancia, Mayamot, Antipolo City; Eduardo Libao Patiga, truck helper, ng East Rembo, Makati City; at isang John Benedick Esperito Camia, 22, helper, ng Anabo, Imus, Cavite.
Sakay ng isang itim na SUV na may plakang NGF 5992 nang maaresto ang apat ng pinagsanib na pwersa ng Tabuk CPS, PDEA Kalinga, PO Kalinga PECU, CIDG Kalinga Apayao PFU, PDEU/PIU, RID PROCOR, RIU-14, 1st, 2nd PFMC at 141 SAC PNP SAF.
May impormasyon na nakarating sa mga otoridad, may lulan ang dalawang sasakyan ng ipinagbabawal na gamot ( marijuana) kung kaya’t nagsagawa sila ng checkpoint sa Bantay, Tabuk City, Kalinga.
Positibong nakuha sa apat ang umaabot sa 112 marijuana bricks na nagkakahalaga ng P13.4 milyon.
Sa isinagawang manhunt operation ay nakorner ng mga pinagsanib na operatiba ng Kalinga at Isabela ang tatlo pang kasamahan ng mga naunang nadakip sa Bgy. Arellano Quezon, Isabela.
Sa pagresponde na pinangunahan ni PCol. James Cipriano, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, PMaj. Eugenio Malillin, Provincial Intelligence Unit ng IPPO, at iba pang otoridad ay nakilala ang tatlo na sina Prince John Lord Paluyo, 20, ng Vacau, General Trias, Cavite; Cyrus Crisologo Orendain, 18, ng Gladiola St., Bgy Rizal, Makati City; at Mario Juan, 17, estudyante, ng Sta Cruz, Antipolo City.
Nahuli ang mga ito sakay ng Suzuki Ertiga (NAN 5792) na may kargang bulto-bultong marijuana, isang improvised 12-shot gun na may 2 bala at 2 cellphone. Umaabot sa P196,000.00 ang halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska sa mga ito.
Napag-alaman ang mga nasabat na marijuana ay galing sa lalawigan ng Kalinga.
Nitong nakalipas na linggo ay nakasamsam din ang pulisya sa Isabela ng bulto-bultong marijuana sa bayan ng Quezon.
(Rey Velasco)
The post 7 tulak na taga-Metro Manila timbog sa P14m marijuana sa Kalinga at Isabela appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: