NASA P122 milyon halaga ng shabu ang nasabat sa dalawang magkahiwalay na buybust operations ng PNP at PDEA sa Makati City at Muntinlupa City, Lunes ng gabi.
Ayon kay PNP Chief, Gen. Debold Sinas, pitong drug suspects ang naaresto ng mga operatiba sa buybust operation sa kahabaan ng Kalayaan Avenue, Barangay West Rembo Makati City; at Tunasa, Muntinlupa City.
Kinilala ang dalawang naaresto sa Makati na sina Kemin Manisi alyas Taba, 49 anyos; at Abdulrahim Ysmael alyas Indeg, 28, kapwa ng Barangay Maharlika, Cagayan De Oro.
Ang lima namang naaresto sa Muntinlupa City ay kinilalang sina Liezel Julhasan alyas Manay, 40; Donnalyn Julhasan, 21; Rovelyn Enot, 40; pawang residente ng Muntinlupa City; Denver Porlahe alyas Kuya Dong, 19, at Sharifa Kuly, 28, kapwa ng San Pedro, Laguna.
Nakuha sa mga nadakip ang 16 balot ng Daguanyin refined Chinese tea pack na naglalaman ng tig-isang kilo ng shabu kada pakete at nagkakahalaga ng P108,800,000.
Sa operasyon sa Muntinlupa City, nakuha sa mga natimbog ang tinatayang nasa 2 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 milyon.
Samantala, higit P170,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa isang buy-bust operation sa Tondo, Maynila nitong Lunes.
Ayon sa ulat nasamsam ang mga kontrabando mula sa 3 suspek, kabilang isang babae, sa operasyon sa kanto ng Old Antipolo at Abad Santos Ave. Nakalagay sa 6 pakete ang naturang iligal na droga.
Higit P100,000 halaga ng shabu naman ang nasabat sa Angeles City, Pampanga nito ring Lunes ng gabi.
Ayon sa PDEA Region 3, nasa 15 gramo ang bigat ng naturang kontrabando na nakuha mula sa isang 45-anyos na lalaki sa Brgy. Balibago. Mula San Rafael, Bulacan ang suspek. (Gaynor Bonilla)
The post Bumabaha ng shabu:P122m nasabat sa Makati at Muntinlupa; P170k sa Tondo; P100k sa Pampanga appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: