NAKAKATAWA pero seryoso ang Department of Interior and Local Government sa kanilang direktiba sa pambansang pulisya.
Na sitahin o dakpin kapag ‘di sumunod ang mga mag-asawa o magdyowa na nagroromansahan o naglalakad ng magkapitkamay sa pampublikong lugar.
Ito’y upang mapigilan daw ang pagkalat pa ng mapa-muksang Coronavirus disease 2019 (Covid 19).
Muli kasing sumipa ang bilang ng mga nahahawaan ng virus, ayon sa datus ng Department of Health (DoH).
Sa nakalipas na mga araw, ayon sa DoH, lumalagpas ng 3,000 ang bilang ng mga bagong nahahawaan ng Covid. Kasunod ito nang pagluwag sa protocols tulad ng pagdagdag ng kapasidad sa public transport, pagbukas ng turismo, mga mall, restoran at mga park.
Kailangan narin kasing buksan ang ekonomoya ng bansa upang makabangon sa pagkalumok bunga ng mag-isang taon nang community quarantine dahil dito sa pandemya.
Sa muling pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng Covid, hindi na kayang mag-lockdown pa ng Pilipinas. Bubulusok ng tuluyan ang ekonomiya ng bansa kapag muling pinasara ang mga negosyo.
Kaya ang tanging magagawa ng gobyerno ay maghigpit nalang sa health protocols tulad ng pagsuot ng facemask, faceshield, social distancing, pag-require ng swab test sa mga bibiyahe ng tawid isla, at ito ngang nakakatawang pagbabawal ng paglalambingan (paghahalikan at pagkapitkamay) sa mga pampublikong lugar.
Op kors marami ang aalma sa bagong direktibang ito ng DILG sa PNP. Bakit mo nga naman pagbabawalan ang nagtutukaang magdyowa sa public place partikular parke, at magkahawak-kamay na mag-asawa habang naglalakad sa kalye? Anong konek nun para magkahawaan sila ng Covid e sila lang naman. Hehehe…
Tulad ng mag-asawa, magkasama sila sa bahay, sabay sa pagkain, magkayakap sa gabi, tapos lumabas sila ng bahay na magkapitkamay, huhulihin nyo dahil baka magka-Covid? Ang labo nun ha?, mamang pulis. Hehehe…
Pero hindi natin sinisisi rito ang pulisya. Sumusunod lang naman sila sa direktiba ng boss nila, ang DILG.
Kumusta na nga kaya si DILG Secretary Eduardo Año, nag-extend raw ito ng one month leave matapos magpositibo sa Covid ng sunud-sunod.
Nagtataka rin naman tayo rito kay Sec. Año. Inamin nya mismo noon na nagpaturok na siya ng bakuna kontra Covid noon pang Disyembre 2020 kasabay ng mga sundalo ng Presidential Security Group (PSG). Pero bakit tinatablan parin siya ng Covid?
Sabi ng mga vaccine expert, hindi garantiyang hindi ka na magkaka-Covid kapag nabakunahan. Mahahawaan ka parin daw ng virus, hindi na nga lang severe. Ganun?
Anyway, balikan natin itong nakatatawa pero seryosong direktiba ng DILG laban sa mga naglalampungan sa mga pampublikong lugar, sundin nalang natin para hindi na kayo mabitbit pa sa presinto at makikilan ng pulis. Kung hindi nyo (lovers) mapigilan ang gigil sa isa’t isa, bukas naman ang Sogo, Victoria, Halina at iba pang inns sa Metro Manila maging sa mga probinsiya. Hehehe…
Basta’t laging tandaan at gawin nang kaugalian ang pagsuot ng facemask paglabas ng bahay. May Covid man o wala, kailangan na talaga natin mag-facemask dahil narin sa grabeng polusyon lalo sa Metro Manila. Mismo!
Magtabi ng paracetamol sa bahay para pag nilagnat mag-take agad bago pa magka-Covid. Keep safe, mga suki!
The post Nakakatawa pero seryosong direktiba appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: