LIKAS na sa mga Filipino ang pagiging matulungin, lalo na sa panahon ng kagipitan.
Matagal nang panahon na nagbibigay ng tulong at suporta ang mga Filipino sa kapwa Filipino.
Mayroon ngang mga pagkakataon na kahit ang mga taong salat din sa buhay ay tumutulong sa ibang tao na labis – labis ang kahirapang dinaranas.
Kahit ang pamahalaan ay nagbibigay ng ayuda sa mamamayan kung saan bininyagan ng kung anu – anong pangalan tulad ng “Pantawid sa Pamilyang Pilipino Program” (4Ps) na nagsimula sa panahon ni Gloria Macapagal – Arroyo at Social Amelioration Program (SAP) ngayong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Maging ang mga politiko (gobernador, alkalde, konsehal at iba pa) ay hindi rin pahuhuli sa ‘pagtulong’, lalo na kapag malapit na ang halalan.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi hiwalay at lalong hindi kalaban ng konseptong ayuda ang ikinasang pagtulong ni Anna Patricia Non sa Maginhawa Street sa Quezon City na tinawag niyang “community pantry”.
Ang totoo, bahagi ito ng kabuuang pagkilos ng estado, sapagkat ang mamamayan ay isa sa mga nilalaman ng estado.
Hindi ko ideya ‘yan.
Iyan ay matagal nang depinisyon ng estado na pinag-aralan ng mga kumuha ng programang A.B. Political Science sa kolehiyo.
Hindi pa man dumarating si Kristo sa mundo ay bahagi ng kahulugan ng estado ang mamamayan.
Pokaragat na ‘yan!
Kaya, hindi dapat sirain ng mga pinuno at tagapagsalita ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang pagkatao ng mga organisador ng community pantry sa Maginhawa Street at sa iba pang parte ng Pilipinas.
Hindi kailangang ipagdikdikang kadre si Non ng Communist Party of the Philippines (CPP) upang pasamain ang dalisay na kahulugan at layunin ng community pantry.
Ang dalisay na kahulugan at layunin ng community pantry ay “magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan”.
Wala akong nakitang batayan na galing sa CPP, o sa punong tagapagtatag nito na si Jose Maria Sison, dahil kahit kailan ay hindi nagpakawala at nagpakalat ng ganyang ideya ang CPP at si Sison.
Kaya, hindi ko masipat nang mabuti kung saang lupalop ng impyerno galing ang mga ideya ng isa sa mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF – ELCAC) na si Presidential Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy na ideya ng CPP ang community pantry ni Non.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi ako magtataka kapag mabigo ang NTF – ELCAC sa layunin nito dahil wala sa hulog mag-isip at kumilos si Badoy.
Ngunit, madidismaya ako tulad ng pinakamalaking bilang ng mayorya ng mamamayang Filipino dahil sayang ang P19 bilyong pondo ng NTF – ELCAC para ngayong 2021 dahil sa kapalpakan ni Badoy.
Dapat, maarok ng isipan ni Badoy ang kawalan ng pagmamahal at pagmamalasakit ng pamunuan ng CPP, ng pamunuan ng New People’s Army (NPA) at ni Jose Maria Sison mismo sa mga mahihirap na Filipino.
Pokaragat na ‘yan!
Kung totoong malalim ang pagmamahal at pagmamalasakit ni Sison sa milyun-milyong pangkaraniwang tao tulad ng mga manggagawa, manggagawang – bukid, magsasaka, mangingisda at iba pang batayang masa ay matagal nang inutusan ni Sison ang mga pinuno ng CPP at NPA na ipangtulong at iayuda ang milyun-milyong pondo ng CCP na nakukolekta nito mula sa mga malalaking kumpanya.
Ngunit, hindi ginawa ng CPP, ng NPA at ni Sison kahit kailan ang pamimigay ng ayuda kahit ngayong pasahol nang pasahol ang buhay ng napakaraming Filipino dulot ng lockdown ni Pangulong Rodrigo Duterte mula nang umatake ang coronavirus disease – 2019 (COVID – 19) sa ating bansa.
Pokaragat na ‘yan!
Ang totoo, napakalaki ng nagagawa ng community pantry, o anumang porma ng pamimigay ng ayuda sa mamamayan, dahil hindi lamang ito nakatutulong sa mga mahihirap na Pilipino, kundi nakatutulong itong gumalaw at sumulong ang ekonomiya ng ating bansa.
Gumagalaw at sumusulong ang ekonomiya dahil ang mga produktong nakukuha ng mamamayan sa community pantries sa maraming bahagi ng Pilipinas ay binili ng mga nagbigay ng samu’t saring produkto sa nasabing community pantries.
Binili ang mga de lata, itlog, mga gulay at iba pa.
Kaya, mayroong lumabas na pera upang mabili ang mga produktong pinaghirapan ng mga manggagawa, manggagawang – bukid at magsasaka.
Siyemre, kumita ang mga kapitalista.
Kung tutuusin, napakaraming kita ang nakabig ng mga kapitalista dahil napakaraming tao ang bumili ng mga produktong ibinigay sa mga community pantry, kabilang na iyong pinasimulan sa Maginhawa Street.
Kaya, maganda kung magtutuluy-tuloy ang community pantries ng mga pangkaraniwang tao at maging ng iba’t ibang organo ng pamahalaan habang hindi matapus-tapos ang iba’t ibang itsura ng lockdown (ECQ, MECQ, GCQ) at habang kung pabago-bagong pahayag ng ilang opisyal ng administrasyng Duterte ukol sa kalagayan ng COVID – 19 sa ating bansa at mga paparating na bakuna dahil gumagalaw at sumusulong ang ekonomiya.
Napakaimportante ng ekonomiya kahit na nanganganib ang buhay ng mga Filipino sa COVID – 19.
Kaya, kahit napakaraming limitasyon sa kasalukuyan dahil sa COVID – 19, obligado pa ring kumilos ang lahat ng mga Filipino upang lumarga, sumulong hanggang umangat ang ekonomiya.
Gawin lang ng mga Filipino ang lahat ng kanyang nalalamang diskarte upang mabuhay kahit ano pang paninirang gawin ng mga taong wala sa hulog mag-isip.
The post Nakatutulong sa ekonomiya ang community pantry appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: