Facebook

Bilang ‘manok’ ng PDP-Laban: Consider me last — Bong Go

IDINIIN ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi siya interesado sa pagtakbong pangulo sa 2022 national elections sa pagsasabing ang pokus niya sa ngayon ay magserbisyo at hindi iniisip ang pulitika.

“Ang focus ko, mula noon hanggang ngayon, ay ang magserbisyo sa kapwa kong Pilipino. Please count me out sa usaping pulitika sa 2022,” ani Go.

Idinagdag niya na mas nakatuon ang kanyang isip sa pagtupad sa kanyang mandato na magsilbi sa mga Filipino, lalo ngayong nasa gitna ng mabigat na hamon ang bansa dulot ng krisis sa COVID-19 pndemic.

“Ang importante ngayon ay patuloy tayo na nagtutulungan para sa ikabubuti ng mga kababayan nating naghihirap dulot ng pandemya,” anang senador.

Sinabi ni Go na pawang espekulasyon lamang ang ulat na ikinokonsidera siya na maging standard bearer ng ruling Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-LABAN) para sa darating na 2022 elections.

“Kung mayro’n mang gano’ng usapan ay hindi naman po maiiwasan ‘yan dahil po pareho kaming senador at pareho kaming kino-consider na (miyembro ng) partido,” sabi ni Go nang tanungin ukol sa balitang isa siya sa minamanok ng PDP-Laban, maging si Senator Manny Pacquiao, para sa 2022 presidential derby.

“Ngunit uulitin ko, please count me out muna. Kung maaari ako na po ‘yung pinakahuli sa listahan ng kinokonsidera ninyo sa pinagpipilian. Kahit huli na po ako dahil hindi po ako interesado to the point of saying na please count me out po muna diyan sa usapang pulitika,” idinagdag ni Go.

Gayunman, pinasalamatan ni Go ang Pulse Asia survey na nagsasabing nais ng mayorya ng botanteng Filipino ang tandem nila ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na presidente at vice president ng bansa. Nangangahulugan lamang aniya ito na kuntento ang mga Filipino sa ginagawa ng administration at gusto nilang ito ay magpatuloy.

“Marahil po gusto ng taumbayan ng continuity o para maipagpatuloy po ang mga mabubuting pagbabago sa bansa. At para rin po maisakatuparan ang pangako ng Pangulo na walang maiiwan tungo sa ating full recovery mula sa pandemyang ito bilang isang nagkakaisa at mas matatag na bansa,” sabi ni Go.

“‘Yon po ang aking pagkaintindi ko kung bakit po gusto ng taumbayan na nandiriyan pa rin po ang ating mahal na Pangulo,” dagdag niya.

Kamakailan ay naglabas ng resolusyon ang PDP-LABAN na nag-uudyok kay President Duterte na tumakbong Vice President sa 2022 para magpatuloy ang pagbabago sa gobyerno.

“Magbabago lang siguro ang isip ko kung tatakbong Vice President si Pangulong Duterte,” sabi ni Go.

Ngunit kung tatakbo naman aniya si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagkapresidente ay susuportahan niya siya gaya ng ginawa niyang pagsuporta kay Pangulong Digong.

“Alam ninyo, gaya ng sinabi ko, kung tatakbo po si Mayor Sara ay ako po’y full support sa kanya. ‘Yung pagtingin ko po kay Pangulong Duterte ay ganoon din po ang pagtingin ko kay Mayor Sara,” ayon sa mambabatas. (PFT Team)

The post Bilang ‘manok’ ng PDP-Laban: Consider me last — Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bilang ‘manok’ ng PDP-Laban: Consider me last — Bong Go Bilang ‘manok’ ng PDP-Laban: Consider me last — Bong Go Reviewed by misfitgympal on Marso 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.