Facebook

PASKONG PINOY

PUMASOK na ang “ber” month at nagsisimula ang pagbilang ng araw tungo sa araw ng Pasko o ang kapanganakan ng Tagapagligtas. Mahaba ang paghahanda ng mga Pinoy sa isang araw na pinanabikan kung saan ito’y idinaraos sa iba’t – ibang paraan. Nariyan ang pagkikita na magkakasama sa piging ang mga magkakapamilya, magkakaibigan at bisitang matagal nang ‘di nakapiling. Ang unang araw ng kasalukuyang buwan, mapapansin na may mga tindahan na nagsisimula nang magtinda ng mga palamuti na magagamit sa araw ng Pasko. Masasabi na ang bansa nati’y pinamumugaran ng Kristiyanismo, partikular ng mga Katoliko na tunay na nagbibigay pagpupugay sa Tagapagligtas. Ang paniniwalang ito’y ‘daan taon ang tinakbo mula nang masakop ang bansa ng mga banyagang dala ang ganitong paniniwala. Sa tagal ng pag-iral ng relihiyon ng Katolisismo, tunay na nag-iisang bansa ang Pilipinas sa Timog Asya na ang pinaniniwalaan ang panginoong Hesukristo. At bilang saradong Katoliko, ang maagang paghahanda ng Pinoy sa paggunita ng kapanganakan ng Tagapagligtas tunay na nakakapanabik.

Mahalaga sa bawat Pinoy ang pagkilala at pagdaraos ng mga gawaing kabanalan lalo’t tuwiran ang ipagdiriwang ang kapanganakan ng Tagapagligtas. Sa totoo lang, sa halos bawat bayan ng bansa, may tinatawag na fiesta na kumikilala sa mga santo kung saan ipinangalan ang lugar na tinitirhan. At sa bawat kaarawan o pagkakilala sa kabanalan ng santo, nagkakaroon ng paghahanda sa mga bahay-bahay ng bayan o barangay upang maipakita ang pagpapasalamat sa ambag nito sa buhay. Hindi lang iyon, may mga pamilyang Pinoy na may sariling pasasalamat sa mga santo na sa tingin nila’y naging bahagi ng buhay lalo ang mga gumaling sa sakit dahil sa sampalataya’t paniniwala sa santong ibig. Huwag ipagtaka, kung bakit maaga ang paghahanda sa darating na pagsilang ni Hesus na tagapagligtas.

Sa totoo lang, may mga iba’t-ibang pagdaraos ang nagaganap upang gunitain ang mga alaala sa buhay, nariyan ang Todos lo Santos, maging ang araw ng mga yumao sa buhay. Subalit mariin ang paghahanda ng Pinoy sa araw ng kapaskuhan na simula palang ng Ber month heto na ang mga palamuti at maging ang awit ni Jose Mari Chan ay maririnig. Masasabing hindi nagbabago ang kaugaliang ito ng Pinoy maging sa kasalukuyang panahon ng teknolohiya. Napakaganda ng kaugaliang ito na kinalulugdan ng marami sa atin at maging ng mga dayuhan na bumibisita sa bansa upang makipagdiwang.

At ito ang araw ng pagkikita ng mga kamag-anak na matagal na nawala’y dahil sa paghahanapbuhay o ano mang dahilan. Sa muling pagkikita’y may yakapan at iyakan ng kasiyahan sa panahon na kung saan ang lamig ng panaho’y nagpapakita ng tunay na pagmamahalan. Ang kaugaliang Pinoy…

Sagana sa makataong kaugalian ang minana ng lahi mula sa mga mananakop, ngunit sa kabilang banda, tila ito’y balakid sa pagbabago’t bangon ng kabuhayan. Marahil ang kaugaliang ito’y ambag o paraan ng mananakop upang manatili sa mahabang panahon ang pagkaalipin ng mga Pinoy sa sistema na sila ang una. At sa panahong ito na malakas ang galaw ng teknolohiya, hindi nawala ang kaugalian na nagtali sa maraming kapatid sa kahirapan noon hanggang ngayon.

Hindi nagbago ang buhay at kabuhayan, sa halip salita at salin sa lahi ang kaugalia’t kahirapan. Mapanatili ang pagiging palusunod, palaasa ng nakararami sa iilan sa halip na kamulatan. Ginagamit ang kahirapan at ang pagiging maka diyos ng Pinoy upang mapanatili ang kaayusan noong unang panahon. Ang mga pang-aalipin na nagsasaad ng kabanalan o pagiging masunurin sa sanlumikha ang kinakapital gamit ang teknolohiya. At nariyan ang mga balimbing na kasapakat ng mga banal banalan sa pagsamantala sa bayan… anong masasabi ng pastor na laging nasa social media?

Sa totoo lang, bulag ang Pinoy sa paniniwala at hindi naisip na ang pagsilang ng bata sa sabsaban ang simbolo ng kalayaan. Kalayaan sa anumang kaganapan lalo sa kahirapan na pinili ng sanlumikha ang sabsaban nang makita ng mga salat sa buhay na ito ang buhay niya. Hindi pinili ang marangyang pagsilang, bagkus sapat na ang sabsaban sa haring may dala ng pag-asa para sa lahat. Sa pagsilang nakita ang pagbaba ng tatlong mago na panahon ng pagbangon ng salat sa yaman. Pagbabagong magbibigay ng anumang kalakasan sa tulad ni Mang Juan, Aling Marya, at Ba Ipe upang isulong ang pag-unlad para sa lahat. Marahil ito ang naganap sa ilang kasaysayan ng bansa at sa hinaharap.

Sa mga Pinoy, salaminin ang kaganapan sa sabsaban sa sariling pagdaranas. Tama at dapat ang pagpapanatili ng kababaang loob subalit ang magising sa kalagayan ang siyang pinatutukuyan sa sabsaban. Ngayon, nasa balikat ng bawat isa na mamulat sa kaganapan at simulan ang laban sa kahirapan. Huwag hayaan na manatili ang kahirapan sa antas gayung pwedeng maganap ang pagbabago ng kaayusan sa buhay kung pagsisikapan. Ang pagbaba ng mago’y simbolo ng pagbabago sa ngalan ng kabuhayan. Ang mga alay sa sanggol ang kabuhayan na dapat sa mga tulad natin na siyang lumilikha ng yaman ng bayan at ‘di sa iilan.

Mahalaga ang maging mulat sa kakayahan, at gawin ito sa ngalan ng pagkakaisa na may pag-unlad. Marahil ang pahayag ni Boy Pektus na pagkakaisa’y nararapat na lakipan na may kaunlaran na walang tinatapakan. Hingin ito tulad ng pag-aalay sa sarili nang ‘di maduhagi ang sambayanan..Sa mahusay na lider, ikaw ang mismong magbaba ng pagbabago sa nasasakupan at hindi nawawala sa gitna ng laban.

Mahaba ang paghahanda ng Pinoy sa Pasko, at masasabi na araw-araw ang pasko sa bansa lalo’t doon sa may kaginhawahan sa buhay. Ngunit marami sa nagdiriwang ang salat sa karangyaan ngunit mayaman sa pagmamahal. Hindi kinakitaan ng pagbangon ang tinatamasa hindi dahil sa katamaran, ang kawalan ng pagkakataon na iangat ang buhayang kadahilanan. Hindi iniinda ang araw-araw na kalbaryo at umaasa na minsa’y masumpungan ang kapalaran. ‘Daan taon na ang pagtitiis sa kahirapan na salin ng salin ngunit patuloy na ipinagdiriwang ang pasko kahit isang araw ng taon.

Ang pagdiriwang ng pasko ng mga Pinoy tunay na kinasasabikan dahil panahon ito ng bigayan. Ang pagtapat sa bahay ng mga paslit na umaawit ng pamasko’y tunay na nakakaaliw at nakakawala ng problema. Ngunit kay, Mang Juan, Aling Marya, Ba Ipe at ang balana, huwag alisin sa isip na ang pasko’y paglaya sa anumang dinaranas. Ang pagtapat at paglapit sa mga pangangailangan sa buhay sana’y gawing araw – araw. Huwag masanay sa panandaliang pamasko gawa ng pamahalaang mapanlinlang…

Maraming Salamat po!!!

The post PASKONG PINOY appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
PASKONG PINOY PASKONG PINOY Reviewed by misfitgympal on Setyembre 01, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.