GANITO ang sinasabi ng Section 4 ng Article III ng ating 1987 Constitution of the Republic of the Philippines: No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the Government for redress of grievances.
Walang batas na maaaring gawin at pagtibayin at ipatupad na hahadlang o sasagka o pipigil sa kalayaan natin sa pagsasalita o pamamahayag at pagpapahayag, maging ang karapatan ng mga mamamayan na magtipon-tipon at sama-samang magpahayag at hingiin sa pamahalaan na aksiyunan ang kanilang mga hinaing o mga reklamo – kung ang mga karapatang ito ay gagawin sa matahimik na paraan.
Ito ang sinasabi ng Section 7: The right of the people to information on matters of public concern shall be recognized. Access to official records, and to documents, and papers pertaining to official acts, transactions, or decisions, as well as to government research data used as basis for policy development, shall be afforded the citizen, subject to such limitations as may be provided by law.
Ibig sabihin, iniuutos ng ating Konstitutusyon, ang natatanging karapatan ng mamamayan na malaman ang mga impormasyon at kaalaman tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa bayan ay dapat na kilalanin. Ayon pa sa section na ito, dapat ding ipagkaloob sa mga mamamayan ang karapatan nila na makakuha ng mga opisyal na rekord, mga dokumento at mga papeles tungkol sa transaksiyon, desisyon, ginawa ng isang opisyal ng bayan kaugnay ng kanyang ginagampanang tungkulin.
Kasama rin dito ang karapatan ng mga mamamayan na makakuha ng kaalaman o mga kopya ng mga pagsasaliksik o mabigyan ng impormasyon sa naging bunga ng experimento o gawaing pinondohan o isinagawang programa na ginastusan ng pera ng bayan pero may limitasyon sa pagkakaloob ng mga karapatang ito, batay sa pagbabawal na alituntuning itinakda rin ng batas.
Ang mga binanggit sa itaas ay napakahalagang alintuntunin at gabay ng ating Konstitusyon na noon pa man ay kalakip na sa unang mga Konstitusyon natin noong 1935 Constitution, at sa mga Saligang Batas na ginawa at pinagtibay ng mga mamamayan ng Republika noong panahon ng diktador na si Marcos, panahon ng Pamahalaang Rebolusyonaryo o Freedom Constitution ni dating Pangulong Cory Aquino noong 1986 na sinundan ng Konstitusyon ng 1987 – sa panahon din ni Tita Cory at siyang Saligang Batas na sinusunod natin hanggang ngayon.
Bahagi na nga ng tradisyong demokratiko ang mga karapatang ito ng mga mamamayang Pilipino na iginalang, isinunod at matapat na ipinatupad ng mga dating Pangulo ng bansa, ng lahat ng matataas na opisyal ng pamahalaan, at ng mga opisyal na hinirang, itinakda at umiiral at gumaganap ng tungkulin sa ilalim ng takda at utos ng umiiral na Saligang Batas natin.
***
Bakit natin ito iniisa-isa at binibigyang diin? Dahil hanggang ngayon ay meron pa ring mga “kakatwang” utos ang ilang opiyales ng PNP – na ipinagbabawal at/ipinagkakait sa mga mamamayan ang impormasyon na malaman ang ulat at/o pangyayari na nakatala sa police blotter na kinikilala na ng mga desisyon ng mga hukuman, kabilang ang Korte Suprema, ito ang Police Blotter na isang public document o tala o dokumento na dapat na ipakita o ibigay kapag hiningi o ninais ng isang mamamayan ng republikang ito.
Pero tila yatang marami sa opisyales ng PNP ay nilalabag ang iniuutos ng ating Saligang Batas, na ipagkait sa bayan ang police blotter.
Hindi dapat binabaluktot ang batas ukol sa batas na gumagalang sa freedom of speech, freedom of expression at ang the right to information.
Ang mga karapatang ito ng mga mamamayan ay iginalang ng mga naunang opisyales ng PNP, pero sa panahong ito napakaraming mga opisyales ng PNP ay nilalabag ang isa sa mga inuutos ng ating Saligang Batas!
Bilang tagapagpatupad ng batas ang inaasahan ng mamamayan ay maging modelo sila na marunong silang gumalang sa ating pambansang batas. Pero paano kung ang mga opisyales mismo ng PNP ang unang lumalabag sa karapatang pantao ng mga mamamayang Pilipino, ano ang maaasahan nating magiging kalagayan ng ating bansa – na ipinagmamalaki pa manding isang demokratiko at isang republikang bansa?
Ayaw nating isipin na may basbas ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ginagawang paglabag ng ilang opisyal ng PNP nito sa batas?
Bakit hindi silipin at imbestigahan ng pamunuan ng PNP ang alegasyon at bintang hinggil sa ilang PNP officials na ipinagbabawal/ipinagkakait ang police blotter?
Sinusulat natin ito, naniniwala tayo na “nahimasmasan” na, at “nagising” na ang mga pinatutungkulan nating ilang PNP officials na “binawi” na ang utos nila kontra sa pagkakait ng police blotter.
Sana nga’y binawi na ang utos at ang magandang reaksiyon ng ilang mamamayan kontra sa mapanupil na utos na ito ng ilang opisyales ng PNP ay maging leksiyon sa kanila, na “nananatiling superyor, pinakamakapangyarihan pa rin ang nais ng sibilyan o ng lahat ng mamamayang Pilipino.”
Kungdi pa ito binabawi, ito lamang ang masasabi natin: Ay, kaawa-awang PNP, kaaawa-awang Pinoy.
At tanging sa Dakilang Diyos na lamang tayo dapat na humingi ng tulong at awa!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Kaawa-awang PNP; Kaawa-awang Pinoy appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: